Masarap magkaroon ng kaibigan—lalo na kung totoo, maaasahan, at hindi ka iiwan.
Maliban kasi sa pagiging kaibigan, tila tumatayo na rin silang pamilya, hindi man iisang dugo ang nananalaytay sa kanila.
Pero sa pag-usbong ng modernisasyon, mukhang hindi na mahirap humanap ng kaibigan—nariyan ang ilang mga aplikasyon upang makakilala ng mga taong puwede maging frenny o beshy.
Depende na lamang ito sa bawat indibidwal kung paano nila mamani-obrahin ang kanilang pagkakaibigan.
Pero sa dami ng tumatayong kaibigan, hindi maikakailang ang ilan diyan ay totoo, at sa kasamaang palad, kung mamalas-malasin, ang iilan ay hindi.
Ngunit ano nga ba ang mga senyales na peke si frenny?
Ayon sa artikulong mababasa sa pahinang Very Well Mind, ang mga “pekeng kaibigan” ay ang mga taong nagpapanggap na nagmamalasakit ngunit hindi “best interest” ng kaibigan nila ang nasa puso nila.
Dagdag pa nito, sila rin ang mga kaibigang kumikilos na parang tunay na kaibigan kapag sila ay nakakakuha ng benepisyo.
Narito naman ang ilang signs na fake friend si frenny or beshy:
INCONSISTENT
Nandiyan lang ang fake friends kapag may kailangan sila; pero kapag ikaw na ang nangangailangan ng suporta, nowhere to be found sila.
ONE-SIDEDNESS
Ang mga pekeng kaibigan ay nagpapakita ng ganitong ugali, ang pakiramdam ng pagiging “unbalanced.”
Gusto nila sa bawat usapan, sila ang bida, kuwento nila ang laging pokus; hindi man lang bigyan ng interes at oras na pakinggan ang punto ng isa pang kaibigan.
UNRELIABILITY
Ito ‘yong ugali ng fake friends na panay pangako, mahilig magpaasa, pero literal na unrealiable, sapagkat walang balak na isakatuparan ang promises niya.
Ito iyong puro salita, pero hindi kayang ipakita sa gawa.
BETRAYAL
Ito ang isa sa pinakatanyag na paglalarawan sa mga pekeng kaibigan.
Ito ang ugaling mayroon sila kapag hindi nila pinapakita ang loyalty nila sa kanilang kaibigan, nagsasalita sila ng hindi magagandang bagay sa likod nito, at nagbabahagi ng tsismis na walang katotohanan upang siraan ka.
DISRESPECT
Ito ang isang ugali ng fake friends kung saan wala nang respeto sa kaniyang kaibigan—nananakit, naninira ng confidence, nangmamaliit, at namamahiya kahit maraming tao.
Isa rin dito ay ang ginagamit na katatawanan ang kaibigan para magmukhang bida sa mata ng marami.
Ang lahat ng mabuting tao sa mundo ay deserve na magkaroon ng good friends—kung kaya’t maging wais at matalino sa pagpili ng inyong magiging kaibigan.
Kapag hindi loyal, nananakit, nagpapakalat ng tsismis, at nandiyan lang kapag may kailangan, hindi ‘yan friendship-worthy. Friendship over na ‘yan!