August 02, 2026

Home BALITA Probinsya

2 Daycare pupil, nalunod sa poso negro!

2 Daycare pupil, nalunod sa poso negro!
Photo courtesy: Unsplash

Dalawang batang magpinsan na kapwa daycare learners ang nasawi matapos malunod sa isang bukas na poso negro na napuno ng tubig-ulan sa Purok 10, Barangay Concepcion, Makilala, Cotabato Province.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na edad apat at limang taong gulang, na kapwa kagagaling lamang sa kanilang daycare center bago naganap ang trahedya. 

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Makilala Municipal Police Station, naglalaro umano ang dalawang bata sa loob ng kanilang compound habang dala pa ang kanilang mga lunch box nang aksidente silang mahulog sa bagong-hukay na septic tank na hindi natatakpan at napuno ng tubig dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.

Nagsagawa ng agarang paghahanap ang kanilang pamilya at mga residente nang mapansing nawawala ang dalawang bata. Kalaunan, namataan ang kanilang mga lunch box na lumulutang sa tubig sa loob ng septic tank, dahilan upang agad na magsagawa ng rescue operation ang mga rumesponde.

Agad na iniahon ang mga bata at isinugod sa Makilala Medical Specialist Hospital bago inilipat sa Davao Doctors Hospital sa Davao City para sa mas masusing gamutan. Gayunman, hindi na sila naisalba ng mga doktor at kalaunan ay pumanaw din.

Probinsya

Estudyante, pinatay ng ex-jowa sa boarding house; suspek, sugatan din!

Ayon kay Barangay Chairperson Rey Cayare, na kamag-anak din ng mga bata, labis ang kaniyang pagdadalamhati sa sinapit ng dalawang biktima. Aniya, mas masakit ang pangyayari dahil bukod sa mga residente ng kanilang barangay ay sarili rin niyang mga apo ang nasawi. 

Ikinuwento rin niyang masayang naglalaro ang mga bata ilang sandali bago ang insidente at hindi nila namalayang may nakatagong panganib sa ilalim ng tubig-baha.

Batay sa ulat, isang batang nakasaksi sa insidente ang agad na humingi ng tulong sa lola ng mga biktima kaya mabilis na nakarating ang mga rescuer. Gayunpaman, ilang minuto na umanong nakalubog sa tubig ang dalawang bata bago sila naiahon.

Dahil sa pangyayari, muling nanawagan ang mga lokal na awtoridad sa mga may-ari ng bahay, kontratista at pribadong establisimyento na tiyaking natatakpan o nalalagyan ng harang ang mga septic tank, hukay at iba pang mapanganib na lugar upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

Pinaalalahanan din ng mga opisyal ang mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang mga bata dahil maaaring matakpan ng baha ang mga mapanganib na hukay at iba pang panganib sa paligid.