August 01, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Bigong aplikante ng BFP, sumaklolo sa biktima ng road accident

#BalitaExclusives: Bigong aplikante ng BFP, sumaklolo sa biktima ng road accident
Photo courtesy: Paolo Guela

Hinangaan ng netizens ang pagiging “Good Samaritan” ng isang Bureau of Fire Protection (BFP)-Sorsogon City applicant, na bagama’t nabigo sa kaniyang aplikasyon ay rumesponde pa rin sa isang biktima ng road accident.

Sa ngayo’y viral post ng aplikanteng si Paolo Guela, ibinahagi niyang pauwi na siya sa kaniyang bahay sa Bulan, Sorsogon nang madaanan ang nasabing biktima, na aniya’y nagtamo ng malalang tama sa ulo. 

Bilang pagmamalasakit, agad na nilapitan ni Guela ang mga nakatambay sa paligid upang tawagan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), 911, at pamilya ng biktima. 

Habang hinihintay din ang responders, nagsagawa si Guela ng Airway, Breathing, and Circulation (ABC) assessment sa biktima, kasunod ang Deformities, Contusions, Abrasions, Punctures/Penetrations, Burns, Tenderness, Lacerations, and Swelling (DCAP-BTLS) assessment). 

Maya-maya pa, ibinahagi niyang dumating na ang rescue team mula sa MDRRMO, kaya ligtas niyang nai-turnover ang biktima sa mga ito bago dahin sa ospital. 

Trending

‘New home!’ Menor de edad na inampon, tutungo na US!

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Guela, ibinahagi niyang noong mga oras na ito, unang-una niyang naisip kung paano matutulungan ang biktima, sa kabila ng nararamdamang lungkot at pagkadismaya mula sa pagbagsak sa Physical Agility Test ng BFP, sa ilalim ng Emergency Medical Services (EMS) category.

“Ang una ko pong naisip ay kung paano agad matutulungan ang biktima. Isinantabi ko muna ang aking emosyon upang makapag-isip nang malinaw at makapagbigay ng tamang tulong,” saad ni Guela. 

Aniya pa, “Bilang isang responder, tungkulin naming unahin ang kaligtasan ng biktima at magbigay ng agarang responde. Hindi namin maaaring pabayaan ang isang taong nangangailangan ng tulong.” 

Napagtanto rin daw niya sa insidente na mahalaga ang pagiging kalmado, maagap, at kahandaan sa pagtulong sa oras ng pangangailangan. 

Kasama rin dito ang kahalagahan ng partisipasyon ng bawat bystanders upang mas maging mabilis ang pagresponde at organisadong operasyon upang mailigtas ang sinumang biktima mula sa panganib. 

“Ang pinakamahalagang natutuhan ko ay ang kahalagahan ng pagiging kalmado, maagap, at handang tumulong sa oras ng pangangailangan. Isa pa sa aking realization ay mahalaga ang partisipasyon ng bawat bystander. Kapag may maayos na koordinasyon at may kanya-kanyang tungkulin o division of labor, mas magiging mabilis ang pagresponde, mas magiging organisado ang operasyon, at mas magiging ligtas ang lahat mula sa anumang panganib,” pagtatanto ni Guela. 

Kuwento pa niya, bago sumalang sa naturang pagsusulit, nagkaroon din siya ng karanasan bilang responder. Mula rito, naniniwala siyang malaki ang naitulong ng mga aktwal niyang karanasan upang masagot nang maayos ang mga tanong sa pagsusulit. 

Sa Bicol region,  aniya, nakapasok siya sa Rank 13 sa Emergency Medical Service (EMS) Category. 

“Naging handa po ako para sa Digital Examination dahil sa mga naging karanasan ko bilang responder. Malaki ang naitulong ng aking mga actual experiences upang masagot ko nang maayos ang mga tanong sa exam. Sa awa ng Diyos, nag-rank po ako bilang 13th sa Emergency Medical Service (EMS) Category sa buong Bicol Region,” saad ni Guela. 

Gayunman, ibinahagi niyang hindi naging sapat ang kaniyang paghahanda para sa Physical Agility Test dahil nagtatrabaho siya mula 7:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi. 

Bukod dito, araw-araw din daw siyang bumabiyahe nang halos isang oras mula Bulan hanggang Barcelona, Sorsogon at pabalik. 

Sa kabila nito, binanggit ni Guela na hindi niya sinisisi ang BFP dahil alam niyang responsibilidad niya ang maging malakas. 

Hindi man natanggap, susubukan daw ni Guela na mag-apply ulit sa BFP dahil sa ahensya raw niya nakikita ang sarili na mas makapagbibigay ng kaniyang mga kaalaman, kasanayan, at mga prinisipyo sa paglilingkod at pagliligtas ng buhay. 

“Opo. Patuloy pa rin po akong mag-a-apply sa BFP. Dito ko po nakikita ang aking sarili na mas maibibigay ko ang aking kaalaman, kasanayan, at mga prinsipyo sa paglilingkod sa kapwa at pagliligtas ng buhay. Ang kabiguang ito ay hindi katapusan ng aking pangarap. Babalik po ako nang mas handa, mas malakas, at mas matatag,” mariing saad ni Guela. 

Dagdag pa niya, “Kahit nabigo po ako sa pagkakataong ito na makapasok sa BFP, hindi naman ako nabigo na makatulong sa mas nangangailangan. Hindi hadlang ang pagkabigo upang makapagbigay pag-asa para sa iba.”