“Wala na ho kaming inaasahang bagong prangkisa.”

Ito ang sagot ni Vice Ganda sa mga akusasyon ng “trolls” na prangkisa ng ABS-CBN ang dahilan ng aktibong pangangampanya at pag-endorso ng ilang Kapamilya stars sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo.

“Yung dati naming prangkisa meron na pong nagmamay-ari. Wala na po kaming hinahabol na dating prangkisa dahil ang prangkisa namin ay may nagmamay-ari na at pagmamay-ari nila 'yan ng ilang dekada,” anang It's Showtime host, Miyerkules.

Matatandaan na noong Enero, kinumpirma ng National Telecommunications Commission (NTC) na nailipat na nito sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS), isang kompanya na naiuugnay kay Manny Villar, ang Provisional Authority (PA) na magamit para sa isang broadcast system ang dating ABS-CBN frequencies na Channel 2 at Channel 16.

BALITAnaw: Pasabog na ‘coming out moments’ ng ilang personalidad sa bansa

Dagdag ni Vice, “Wala na pong mahahabol ang ABS sa kanila na po ‘yun. At ang sabi nila na ang habol [ng mga artista]…wala na pong franchise ang ABS. Wala po kaming hinahabol na franchise. Malinaw ‘yan ha.”

Ito ang mapapansing karaniwang komento ng karamihan sa social media kasunod ng pagbuhos ng suporta ng malalaking Kapamilya stars para kay Robredo at sa tandem nitong si Sen. Kiko Pangilinan.

Kabilang sa maningning na celebrities ng ABS-CBN na hayagang inendorso ang Leni-Kiko tandem sina Angel Locsin, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Liza Soberano, Kim Chiu, Regine Velasquez, Vice Ganda bukod sa maraming iba pa.

“Malinaw ‘yan ha sa mga shunga-shungahan na trolls,” natatawang sabi ni Vice. Dagdag niya muli, “Wala na pong in-apply na panibagong franchise ang BAS. ABS is no longer after any franchise.

Basahin: NTC, kinumpirma ang pagbitbit ng AMBS sa dating ABS-CBN frequencies na Channel 2, 16 – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Tapos na po yung chapter na yun.”

Sa ngayon, ani Vice, unti-unti nang bumabangon ang Kapamilya Network bilang isa sa mga nangungunang content producer sa bansa.

Kasalukuyan itong pumasok sa ilang kasunduan at partnership kasama ang dambuhalang mga kompanya kabilang ang dating karibal na GMA Network, TV-5, Netflix at YouTube.