Nagbigay ng reaksiyon at pahayag ang showbiz insider at talent manager na si Ogie Diaz kaugnay sa naging desisyon ng aktres at Quezon City 5th District councilor na si Aiko Melendez na tapusin ang kanilang manager-talent relationship, kasunod ng pahayag ng aktres na magkahiwalay na sila ng landas pagdating sa kanilang business life.
Sa ipinadalang mensahe sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Miyerkules, Agosto 12 sinabi ni Diaz na normal lamang ang ganitong pagbabago sa relasyon sa pagitan ng manager at kanyang talent.
“Normal ’yan sa manager-talent relationship. And Kuya Boy knows that bilang pareho kaming manager. Importante, i-save ang friendship,” ani Diaz.
Matatandaang inanunsyo ni Aiko sa isang Facebook post na nagdesisyon silang maghiwalay ng landas ni Diaz sa kanilang business life.
Ayon sa aktres, bagama’t hindi na sila magtutulungan bilang manager at talent, nananatiling matatag ang kanilang pagkakaibigan.
“My manager Ogie Diaz and I have reached a crossroads in our business life, and we have chosen to take separate roads,” saad ni Aiko.
“Though one thing remains unchanged, we are still good friends. I deeply value the friendship we have built through the years,” dagdag pa.
“Always grateful Ogie, for the friendship, trust, and memories we’ve shared and will share."
“Mahal pa din kita alam mo yan mader,” dagdag pa ng aktres.
Maki-Balita: Aiko Melendez, wala na sa poder ni Ogie Diaz: 'We have chosen to take separate roads!'
Samantala, nag-good luck naman si Ogie kay Aiko sa tatahakin niyang direksyon sa political at showbiz career.
“I wish her good luck sa direksyong gusto niya sa kanyang political career and showbiz career as well,” saad niya.
Sinabi rin ng dating manager na bukas pa rin siyang tumulong sakaling kailanganin ni Aiko ng payo.
“Andito lang naman ako ’pag kailangan ng advice, hindi tayo maramot sa aspetong ’yan,” ani Diaz.
Binigyang-diin din niya na mas mahalaga para sa kanya ang kaligayahan ni Aiko kaysa sa pagpapatuloy ng kanilang professional arrangement.
“’Pag happy ang talent sa kaniyang desisyon, mas happy ako dapat dahil naibigay ko yung happiness na gusto ng talent. Good luck, Aiko!” dagdag niya.
Samantala, sa latest episode ng "Ogie Diaz Showbiz Update" nitong Huwebes, Agosto 13, kinumpirma nga ni Ogie na hindi na niya mina-manage si Aiko.
"Si Aiko Melendez ay maayos na nagpaalam through Viber, through message na magko-concentrate siya sa politics, at yung mga gusto niyang mangyari sa buhay niya, yung gusto niyang direksyon, yung gusto niyang tahakin sa politika, eh magawa niya," paliwanag ni Ogie.
"Siyempre, hindi naman tayo manager niya sa politics, although, kumbaga, yun yung 80% ng buhay ni Aiko eh, sa politics, 20% lang yung sa movie career niya. So pinayagan naman at inallow naman natin," aniya pa.
Natanong din kung dahil ba ito sa magkaibang direksyon ng kanilang political views lalo't kilala si Ogie bilang isang Kakampink, at si Aiko naman ay tagasuporta ni Vice President Sara Duterte.
"Isa na rin yun," pag-amin ni Ogie. "Oo, magkaiba naman kami ng kulay sa politika ni Aiko. May mga bumibira sa kaniya, hindi kami magkasundo sa kulay niya, ganoon din naman sa akin, bakit daw hindi kami magkasundo sa kulay ko, dapat daw kakulay ko si Aiko, o kakulay ako ni Aiko, ay hindi po."
Paliwanag pa ng talent manager, hindi raw sila matitibag nang pagkakaiba ng kulay sa politika. Hindi rin daw pinagsabihan o sinita ni Ogie ang ilang mga post ni Aiko dahil sa respeto na rin niya sa alaga niya.
"Basta ang importante, maayos kaming naghiwalay ni Aiko, kahit itinext lang niya sa akin, eh okay lang din, so hinayaan ko na lang din siya," paliwanag ni Ogie.
Si Aiko na raw ang mamamahala sa sariling showbiz career, katuwang ang boyfriend na si Onemig Bondoc, para sa brand collaborations.
"Malinaw po sa amin, hindi namin pinapakialaman ang kulay ng bawat politika namin," saad pa ni Ogie.