August 12, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Aiko Melendez, wala na sa poder ni Ogie Diaz: 'We have chosen to take separate roads!'

Aiko Melendez, wala na sa poder ni Ogie Diaz: 'We have chosen to take separate roads!'
Photo courtesy: Aiko Melendez (IG)

Usap-usapan ng mga netizen ang pag-anunsyo ng aktres at public servant sa Quezon City na si Aiko Melendez na hindi na si showbiz insider Ogie Diaz ang manager niya pagdating sa kaniyang showbiz career.

Sa Facebook post ni Aiko nitong Miyerkules, Agosto 12, sinabi niyang dumating sila ni Diaz sa puntong kailangan nilang tahakin ang magkahiwalay na direksiyon sa kanilang business life.

“My manager Ogie Diaz and I have reached a crossroads in our business life, and we have chosen to take separate roads,” saad ni Aiko.

Gayunman, nilinaw ng aktres na hindi naapektuhan ng kanilang desisyon ang kanilang pagkakaibigan.

“Though one thing remains unchanged, we are still good friends. I deeply value the friendship we have built through the years,” ani Aiko.

Tsika at Intriga

Antoinette Jadaone sa cinema etiquette: 'Movie ticket lang nabili natin, hindi buong sinehan!'

Nagpasalamat din siya kay Diaz sa tiwala, pagkakaibigan at mga alaala na kanilang pinagsaluhan sa mga nakalipas na taon.

“Always grateful Ogie, for the friendship, trust, and memories we’ve shared and will share,” pahayag niya.

Photo courtesy: Screenshot from Aiko Melendez (FB)

Sa kabila ng pagtatapos ng kanilang professional partnership, kapansin-pansin ang mainit na mensahe ni Aiko para sa dating manager.

“Mahal pa din kita alam mo yan mader,” dagdag pa ng aktres.

Isang netizen naman ang nagsabing may mga relasyon talagang kailangang magtapos, pero hindi raw ibig sabihin, magkagalit na sila.

"may mga relasyon tlg na kailangan tuldokan pero hnd ibig sabihin maghihiwalay kaung magkagalit. andun p din ang respeto at pagmamahal sa isat isa kht dna kau magkasama," anang netizen.

Bagay na sinang-ayunan naman ni Aiko, "Exactly po mananatili kaming magkaibigan."

Samantala, espekulasyon naman ng ilang mga netizen na baka nakaapekto raw sa working relationship ng dalawa ang magkaibang political stand, dahil si Ogie ay isang Kakampink habang si Aiko naman, hayagan ang pagsuporta kay Vice President Sara Duterte.

Hindi naman sumagot si Aiko sa mga nagtatanong sa kaniya kung may kinalaman ba ang magkaibang political views nila ni Ogie kaya kinailangan na nilang maghiwalay ng landas.

Umabot nang mahigit tatlong taon ang professional relationship ng dalawa bilang artista at talent manager. Pormal siyang pumirma ng kontrata kay Ogie noong Marso 10, 2023.

Sa episode ng “Showbiz Updates” noong Marso 13, 2026, sinabi ni Ogie na hindi raw siya nangingialam sa politikong pinapaboran ni Aiko kung paanong ganoon din naman ang huli sa kaniya.

“Sa totoo lang, hindi ako nakikialam kung sino ang gustong suportahan ni Aiko. At siya rin naman, gano’n din sa akin. Hindi rin niya pinapakialaman kung sino ang gusto kong suportahan. Magkaiba kami,” saad ni Ogie.

Dagdag pa niya, “Ang mina-manage ko lang po kay Aiko ay ang kaniyang career. Hindi ang kaniyang political career. ‘Yon lang ‘yon.”

Maki-Balita: Ogie Diaz, Aiko Melendez wapakels sa politika ng isa’t isa

Samantala, as of this writing, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Ogie tungkol sa paghihiwalay nila ng landas ni Aiko bilang mag-manager.