April 22, 2026

Home SHOWBIZ

Ogie Diaz, Aiko Melendez wapakels sa politika ng isa’t isa

Ogie Diaz, Aiko Melendez wapakels sa politika ng isa’t isa
Photo Courtesy: Ogie Diaz, Aiko Melendez (FB)

Inilahad ng showbiz insider at talent manager na si Ogie Diaz ang dahilan kung bakit hindi niya sinisita ang politika ng alaga niyang si Quezon City District 5 Councilor Aiko Melendez.

Ito ay matapos siyang maurirat hinggil dito.

Sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Biyernes, Marso 13, sinabi ni Ogie na hindi raw siya nangingialam sa politikong pinapaboran ni Aiko kung paanong gano’n din naman ang huli sa kaniya.

“Sa totoo lang, hindi ako nakikialam kung sino ang gustong suportahan ni Aiko. At siya rin naman, gano’n din sa akin. Hindi rin niya pinapakialaman kung sino ang gusto kong suportahan. Magkaiba kami,” saad ni Ogie.

Dagdag pa niya, “Ang mina-manage ko lang po kay Aiko ay ang kaniyang career. Hindi ang kaniyang political career. ‘Yon lang ‘yon.”

Relasyon at Hiwalayan

Kris Lawrence, Katrina Halili nagkabalikan na?

Matatandaang si Ogie ay isang kilalang “Kakampink” na hayagang sumuporta noong 2022 presidential elections sa kandidatura nina dating Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan habang suportado naman ni Aiko ang pagtakbo noon nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte.

Samantala, naging usap-usapan kamakailan ang kumakalat na mga larawan ng tarpaulin sa social media at sa ilang lugar na nagpapakitang tatakbo umanong vice mayor si Aiko sa Quezon City sa darating na 2028 kasama si dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor bilang running mate sa pagkaalkalde.

Ngunit pinabulaanan na rin naman ni Aiko ang hinggil dito.

Maki-Balita: Aiko Melendez, itinanggi ang kumakalat na tarpaulin na umano’y katambal si Mike Defensor sa 2028