April 22, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Aiko Melendez, itinanggi ang kumakalat na tarpaulin na umano’y katambal si Mike Defensor sa 2028

Aiko Melendez, itinanggi ang kumakalat na tarpaulin na umano’y katambal si Mike Defensor sa 2028
Photo courtesy: Aiko Melendez (FB)

Mariing itinanggi ng aktres at Quezon City District 5 Councilor Aiko Melendez ang kumakalat na mga larawan ng tarpaulin sa social media at sa ilang lugar na nagpapakitang umano’y tatakbo silang magkatandem ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa halalan sa 2028.

Makikita sa mga nagkalat na larawan na tatakbo ulit bilang mayor ng Quezon City si Defensor habang si Melendez naman daw ang vice mayor.

Matatandaang natalo si Defensor nang tumakbong alkalde ng lunsod, sa kasalukuyang mayor ng Quezon City na si Joy Belmonte.

Sa isang opisyal na pahayag, nilinaw ng konsehala na wala siyang kinalaman sa naturang mga materyales at hindi niya ito inaprubahan o ipinagawa.

Ayon kay Melendez, hindi siya sangkot sa anumang uri ng black propaganda at nananatili siyang nakatuon sa tapat na paglilingkod sa publiko. Aniya, mahalagang pairalin ang responsableng pagtalakay sa politika at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa mamamayan.

Tsika at Intriga

Xian Gaza, dinepensahan gobyerno sa pagpapauwi kay Zaldy Co

"Nais ko ring linawin na wala akong anumang kinalaman sa mga tarpaulin o materyales na kumakalat online at sa mga lansangan na nagsasabing may ganitong usapan. Hindi ito awtorisado ng aking tanggapan o ng aking sarili," aniya.

Iginiit din ni Melendez na ang tanging liderato na kaniyang sinusuportahan sa lungsod ay ang pamumuno ni Belmonte. Ayon sa kaniya, si Belmonte ang alkalde na patuloy niyang nakakausap at nakakaugnayan hinggil sa mga programang may kinalaman sa serbisyo publiko sa Quezon City.

Sinabi rin ng konsehal na personal niyang ipinaliwanag kay Belmonte ang kumakalat na maling impormasyon upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.

Kasabay nito, nanawagan si Melendez sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita online at huwag agad maniwala o magbahagi ng mga materyales na walang beripikasyon.

Binigyang-diin niya na mas mahalaga ang pagtutok sa mga programang makatutulong sa mamamayan kaysa sa pamumulitika at paninira.

"Inaanyayahan ko ang lahat na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at iwasan ang pagpapakalat o paggawa ng mga materyales na maaaring makapagbigay ng maling impresyon sa publiko," aniya.

Sa huli, iginiit ni Melendez na patuloy siyang nakatuon sa kanyang tungkulin bilang konsehal at sa paglilingkod sa mga residente ng District 5 ng Quezon City.