Hindi dapat i-unfriend ang isang kaibigan dahil lang sa iba ang napili nitong kandidato ngayong eleksyon. Ito ang payo ni “King of Talk” Boy Abunda sa gitna ng “mainit” na eleksyon.

“Para sa akin, it is not right to unfriend someone simply because that someone is voting for a different candidate. Kasi that’s precisely what election is all about. This is all about democracy, iba’t iba ang pinipili natin,” saad ni Tito Boy sa isang Tiktok video nitong Huwebes, Abril 14.

Aniya pa, hindi niya maunawaan ang konsepto ng pagputol ng relasyon o pagkakaibigan halimbawa, dahil lamang sa pagkakaiba ng napiling manok sa eleksyon.

“I don’t understand that. Kasi matatapos ang eleksyon saan mapupunta ang ating pagkakaibigan?” anang celebrity host.

'Para pa ba sa akin 'to?' Zephanie, muntik nang umexit sa showbiz

Dagdag niya, “Some friendships have been built over the years. Alam ko mainit ang panahon; mainit ang eleksyong ito; may mga pinaninindigan tayo. Pero ‘wag din natin kalimutan na may mga relasyon; may mga pagiging magkaibigan na mahalaga.”

Bagaman ang tinutukoy ni Tito Boy ay ang pagkakaibigang nabuo sa labas ng social media, talamak ngayon sa online media platforms ang pag-a-unfriend at pag-a-unfollow ng ilang may mutual online relationships dahil sa madalas na bangayang dala ng pagkakaiba ng sinusuportahang kandidato.

Kaya payo ng batikang host, pag-isipan muna nang mabuti bago i-unfriend ang isang kabigan dahil sa pinili nitong politiko.

“Dadaan ang eleksyon pero ang ating mga relasyon ay mananatili. So be cautious, be careful. Think about it carefully. Value your friends as we value our candidates para masaya ang buhay,” aniya.

“Let’s learn how to live with our differences.”

Sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala sa politika, naniniwala si Tito Boy na maaari pa ring maging malalim na magkaibigan ang dalawang tao.

“So don’t unfriend anyone just because you have two different choices of candidates,” muli niyang paalala.