Inaabangan ng mga Pilipino ang nalalapit na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa darating na Lunes, Hulyo 27, kung saan, ilalatag niya sa taumbayan ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa mga nagdaang buwan.
Kaya noon pa lamang Miyerkules, Hulyo 22, tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na handa na ang Kamara para i-host ang gaganaping SONA ng pangulo.
Saad pa ni Dy, napagkasunduan ng Kamara at Office of the President (OP) na siguruhing “simple but dignified” ang pagdaraos ng SONA.
MAKI-BALITA: Kamara, ready na sa ikalimang SONA ni PBBM
Sa kabilang banda, kasalukuyang nagpapatuloy ang paghahanda ng kapulisan sa inaabangang SONA, gayunman, tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na aabot sa higit 21,000 personnel ang kanilang ipadadala upang matiyak ang seguridad sa SONA.
MAKI-BALITA: Kahandaan ng PNP sa SONA: 'Almost 100% na tayo!'
Habang hinihintay na makumpleto ang mga preparasyon para sa taunang pag-uulat ni PBBM sa bansa, magbalik-tanaw sa mga nakagawiang tradisyon tuwing SONA na hindi pormal na nailahad sa batas.
“Red carpet” walk ng Pangulo at kaniyang mga bisita
Bukod sa pormal na talumpati, isa sa mga inaabangan ng maraming Pinoy ay ang tila paglakad ng Pangulo at kaniyang mga bisita sa red carpet bilang parte ng seremonya, kung saan, makikita ang kanilang detalyadong barong o Filipiniana.
Kaya para sa ilan, tila nagiging “fashion show” ang paglakad na ito ng Pangulo at kaniyang mga bisita sa harap ng publiko at media bago ang paglatag ng agenda ng SONA.
Kaya sa ikalimang SONA ni PBBM, binanggit ni House Secretary General Cheloy Garafil na isinaayos ito nang walang anumang red carpet upang matuon ang pansin ng bawat isa sa tunay na mga problemang kinahaharap ng bansa.
Pag-iimbita ng mga sikat na personalidad
Katulad ng napansin ng publiko sa ika-apat na SONA ni PBBM noong Hulyo 2025, bukod sa mga bisitang mambabatas at diplomats, kasama rin sa mga dumalo ay ang mga sikat na personalidad tulad nina Pia Wurtzbach at Heart Evangelista.
Ngunit sa darating na SONA ngayong taon, dahil layon ng Palasyong maging simple ang pagtitipon, idiniin ni Malacañang Press Officer Claire Castro na walang celebrity directors o celebrity “A-listers” na dadalo o magtatanghal sa seremonya.
“Standing ovation” at pagpalakpak ng mga bisita
Maririnig sa mga nagdaang SONA ang mga minsanang pagpalakpak ng mga bisita sa kalagitnaan ng pagtatalumpati ng mga bisita, na kadalasang binibilang at tina-tally ng media bilang parte ng kanilang ulat at kasaysayan.
Gayunman, hindi ito pormal na nakasulat sa batas dahil ang standing ovation at pagpalakpak ng mga bisita ay kanilang reaksyon sa mga pahayag ng pangulo.
Pagpapakita ng effigy sa malawakang kilos-protesta kasabay ng SONA
Ang effigy ay isa sa mga mukha ng SONA dahil ito ang mga imahen o pigurang nagrereprenta sa isang tao o organisasyon, na kadalasang nakikita sa mga kilos-protesta.
Ito ay kadalasang sinusunog o bayolenteng binubugbog bilang parte ng kanilang malayang pagpapahayag ng pagkadismaya sa isang namumuno o administrasyon.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Labag ba sa batas ang pagsunog ng ‘effigy’ ng Pangulo?
Paghahayag ng CONTRA SONA
Isa pa sa mga nakagawiang tradisyon tuwing panahon ng SONA ay ang “CONTRA SONA,” na pinangungunahan ng oposisyon sa Kongreso, isang araw bago ang araw ng pormal na SONA.
Ang talumpati rito ay tinatawag na “The True State of the Nation” ng oposisyon at kadalasan, inihahayag ito sa harap ng iba pang mambabatas, mapa-oposisyon man sila o pabor sa administrasyon.
Ngayong 2026, nakatakdang magbigay ng kaniyang “kontra-SONA” si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Marte, Hulyo 28, isang araw naman matapos ang naging talumpati ni PBBM.
MAKI-BALITA: SONA o SANA? Sen. Alan Peter Cayetano, magsasagawa ng Kontra-SONA
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol sa SONA