Handa nang mag-host ang House of Representatives (HOR) sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 27, sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
Sa pahayag na ibinahagi ni House Speaker (HS) Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Miyerkules, Hulyo 22, iginiit niyang dapat lamang daw nilang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan ng gaganaping SONA ng Pangulo.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito,” saad ni Dy sa kaniyang pahayag.
Diin ng House speaker, importante ang SONA hindi lamang sa gobyerno; bagkus maging sa bawat Pilipino.
“Mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino, dahil ito ang pagkakataong magbigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin,” anang House speaker.
“Handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address ng Pangulo,” giit pa ni Dy III.
Aniya, napagkasunduan ng Kamara at ng Office of the President (OP) na siguruhing “simple but dignified” ang ikalimang SONA ni PBBM.
Ito na ang ikalawa sa huling SONA ng Pangulo mula nang siya ay maluklok sa puwesto noong taong 2022.