Pagod na hindi basta naiibsan ng anumang pahinga?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pagod na hindi basta napapawi ng tulog, shopping, o kaya’y panonood ng “comfort show” sa TV ay maaaring isa nang “burnout,” na tumutukoy sa koleksyon ng mga sintomas at senyales na nagmumula sa chronic stress at natutukoy sa pakiramdam ng pagka-ubos ng enerhiya, mental distance mula sa ginagawang trabaho, at pagbabawas ng episyenteng kapasidad sa trabaho.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga senyales na nakararanas na ng ‘burnout’ sa trabaho
Dahil dito, binabanggit sa hiwalay na pag-aaral ng WHO na ang “self-care” ay ang kakayahan ng isang indibidwal, pamilya, o komunidad na mapanatili ang kanilang kalusugan upang maiwasan ang pagkakasakit o paggaling mula rito.
Kaya narito ang ilang “self-care” tips na makatutulong upang makabangon mula sa matinding pagod o burnout:
Magkaroon ng regular na pag-eehersisyo
Batay sa pag-aaral ng Aspen Valley Health, nakatutulong ang regular na pagkakaroon ng regular na physical activity upang mapalakas ang pangangatawan at maikalma ang isip mula sa stress.
Ayon sa Anxiety and Depression Association of America (ADAA), ang physical activity ay nakatutulong sa mental health ng isang indibidwal dahil nagsisilbi itong mood at energy booster at nakatutulong din ito sa improvement ng tulog.
Maglaan ng “scheduled breaks” kada araw
Sa dagdag pa pag-aaral ng Aspen Valley Health, ang pansamantalang paghinto sa pagitan ng nakakapagod na araw ay nakatutulong upang ma-recharge ang isip at mapatuloy sa mga gawaing kinakailangan sa mga natitira pang oras.
Magkaroon ng pito hanggang siyam na oras ng tulog
Ayon sa Sleep Foundation, ang adults ay inaabisong magkaroon ng pito hanggang sa siyam na oras ng maayos na tulog upang matiyak ang mapahinga ang pag-iisip at katawan mula sa buong araw na pagtatrabaho.
Sa pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine, ang pagkakaroon ng sapat na tulog ay nakatutulong sa “brain plasticity” o kapasidad ng utak na makapag-isip at makaintindi ng impormasyon.
Saad naman ng National Health Service (NHS) Oxford Health, nakatutulong din ito sa pagpapalakas ng immune system, dahil sa mga oras na tulog ang isang indibidwal, nakakapag-”recharge” ang pag-iisip.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Gaano kahalaga ang tulog sa malusog na pangangatawan?
Bawasan ang pag-inom ng “caffeinated drinks”
Sa dagdag na pag-aaral ng NHS, ang caffeine ay isang “stimulant” na nagdudulot sa isang indibidwal na mas maging gising at alerto.
Dahil dito, ang labis na pag-inom nito ay maaari ding magdulot ng pagkasira ng “sleep rhythms” at pagkapagod sa buong maghapon.
Ang caffeine ay natatagpuan sa mga sumusunod: - kape
- tsaa
- energy drinks
- ilang painkillers
- herbal remedies
Ipinapayo rin ng NHS na ang caffeine ay nananatili sa loob ng katawan ng hanggang pitong oras kaya maiging iwasan ito sa gabi.
Magkaroon ng “support system” na mapagsasabihan ng nararamdaman
Saad naman sa pag-aaral ng Better Health, ang pagkakaroon ng mga taong pinagkakatiwalaan bilang “support system” ay nakatutulong upang maibsan ang stress.
Bukod dito, ang pagsasabi ng mga tumatakbo sa isip ay nakatutulong upang mailabas ang mga hinaing at katanungan.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘Life hacks’ para maibsan ang stress sa araw-araw