“Pagod na pagod na pagod na ko.”
Para sa marami, ang pagod mula sa pagtatrabaho ng maghapon ay napapawi ng tulog, shopping, o kaya nama’y panonood ng “comfort show” sa TV.
Habang hindi ito itinuturing na medical condition o aktwal na sakit, ang burnout ay isang koleksyon ng mga sintomas at senyales na nagmumula sa chronic workplace stress na kadalasa’y hindi tuluyang natutugunan at nalalampasan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang burnout ay natutukoy sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- pakiramdam ng pagkaubos ng enerhiya o lubos na pagkapagod.
- pagkakaroon ng “mental distance” mula sa ginagawang trabaho o negatibong pag-iisip tungkol rito.
- pagbabawas ng episyenteng kapasidad sa trabaho.
Ayon naman sa pag-aaral ng Psychology Today, ang burn-out ay hindi limitado sa pagtatrabaho ng mahabang oras o dami ng ginagawa, dahil kasama rin dito ang iba pang aspeto ng buhay tulad ng parenting, pag-aalaga ng ibang tao, o kaya’y love life.
Saad pa rito, kumpara sa pangkaraniwang stress na iniinda ng marami, ang burnout ay ang mas matagal at pinalalim na bersyon ng stress na tila walang katapusan.
Kasama rin dito ang pakiramdam ng pagkaubos at kawalang-gana sa ginagawa.
Ayon pa sa Mental Health Foundation, ilan pa sa mga senyales ng burnout ay ang mga sumusunod:
Emosyonal:
- Pagkawala ng motibasyon
- Emosyonal na pagkapagod at pangingibaw ng emosyon
- Pagdududa sa sarili at kakayahan o self doubt
Mental:
- Matinding pag-aalala
- Pagpapalaki ng problema at pagmamaliit sa mga tagumpay.
- Overthinking o labis na pag-iisip
Pisikal:
- Hirap sa pagtulog
- Pananakit ng ulo
- High blood pressure
- Kawalang gana kumain o pagsakit ng tiyan
- Pagkapagod sa buong maghapon
Pag-uugali o behavioral:
- Pag-iwas sa mga gawaing dati ay nagdudulot ng kasiyahan.
- Madalas na pagliban
- Pagbaba ng performance sa trabaho.
Batay sa pag-aaral ng Foundation Psychology, habang hindi madaling nawawala ang burnout, nakatutulong ang pagkakaroon ng realistic goals at expectations upang maiwasan o kaya’y kaharapin ito.
Nakakatulong din ang pagkakaroon ng support system na maaaring mapagsabihan ng nararamdaman at pagmumulan ng encouragement o lakas ng loob sa kinahaharap na sitwasyon.
Isa pa ay ang stress management bilang stress ang pinakapinagmumulan nito, kasama rito ang pagkakaroon ng regular na ehersisyo, deep breathing o muscle relaxation, o kaya nama’y healthy coping habits.