Hindi lahat ng tagumpay ay nagsisimula sa matinding kumpiyansa. Minsan, nagsisimula ito sa takot, pagod, at pag-aalinlangan. Ngunit para kay Erica Rosialda Macorol, ang pinakamahalagang hakbang ay ang pagpiling lumaban sa kabila ng lahat.
Sa edad na 24, isa na ngayong Licensed Professional Teacher (LPT) at topnotcher si Erica na nagtapos ng Bachelor of Early Childhood Education sa University of Caloocan City, na may karangalang Cum Laude, noong 2025.
Isa naman siya sa mga Rank 9 ng March 2026 Licensure Examination for Professional Teachers o LEPT.
Sa kasalukuyan, isa siyang preschool teacher sa St. Theresa's School of Novaliches, ngunit bago niya marating ang tagumpay na tinatamasa ngayon, dumaan muna siya sa isang mahabang proseso ng pagsubok at sakripisyo.
PINANGARAP NA MAGING MAMAMAHAYAG, ITINADHANANG MAGING GURO!
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Erica, sinabi niyang noong bata pa lamang siya, ang pangarap niya ay maging isang mamamahayag o journalist.
Dahil na-expose siya sa campus journalism mula elementarya hanggang high school, inakala niyang journalism ang tatahakin niyang propesyon. Ngunit sa kaibuturan ng kaniyang puso, alam niyang pagtuturo pa rin ang kaniyang magiging bokasyon.
Nais sana niyang kumuha ng English major sa kolehiyo, ngunit dahil naubusan siya ng slot; napunta siya sa BECED—isang pangyayaring inakala niyang kabiguan noon, ngunit naging daan pala upang lalo niyang matuklasan ang kaniyang tunay na layunin.
PRESSURE NA NAGING PUHUNAN
Hindi naging madali ang kaniyang buhay sa kolehiyo.
Bilang estudyante ng education sa isang state university at scholar ng Caloocan City, kinailangan niyang mapanatili ang mataas na marka habang sumasailalim sa mahihigpit na departmental examinations at mataas na ekspektasyon para sa future teachers.
Ayon kay Erica, hindi sapat na matuto lamang sa loob ng silid-aralan. Kailangan na rin nilang kumilos, magsalita, at umasta na parang tunay nang guro.
Sa halip na panghinaan ng loob, ginawa niyang inspirasyon ang bawat hamon.
TRABAHO SA WEEK DAYS, REVIEW SA WEEKENDS
Mas lalo pang naging mabigat ang kaniyang laban nang pagsabayin niya ang pagtuturo at paghahanda para sa LEPT.
Nakapag-review na siya noong Hunyo 2025 at balak sanang kumuha ng board exam noong Setyembre ng taong iyon. Ngunit kinailangan niyang ipagpaliban ito upang makapag-focus muna sa kaniyang bagong trabaho bilang guro.
Pagbalik niya sa review noong Nobyembre 2025, nagsimula ang mas mabigat na yugto ng kaniyang paghahanda.
Lunes hanggang Biyernes ay nasa paaralan siya bilang guro, habang Sabado at Linggo naman ay nasa review center bilang estudyante.
Halos wala na siyang weekends, pahinga, at oras para sa sarili.
Kasabay nito ang matinding pressure mula sa mga taong nagsasabing kaya niyang pumasa at maging topnotcher.
Sa halip na pangunahan ng takot, pinili niyang magtiwala sa sariling kakayahan.
LUHA NG TAGUMPAY
Habang nasa trabaho, natanggap ni Erica ang balitang pumasa siya sa board exam.
Ngunit hindi pa roon natapos ang sorpresa.
Makalipas ang ilang sandali, nalaman niyang kabilang siya sa mga topnotcher.
Hindi niya napigilang mapaiyak sa sobrang saya at ginhawa matapos ang halos isang taong paghahanda.
Agad niyang ibinahagi ang magandang balita sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, at mga dating guro na naging bahagi ng kaniyang paglalakbay.
Sa kabila ng malaking tagumpay, hindi pa rin nagmamadali si Erica na pumasok sa Department of Education (DepEd).
Para sa kaniya, ang pagpasok sa DepEd ay isa ring hamong nangangailangan ng sapat na paghahanda.
Sa ngayon, nais muna niyang palawakin ang kaniyang karanasan bilang preschool teacher at paghusayin pa ang kaniyang mga pamamaraan sa pagtuturo.
Aniya, ang board exam ay pagsusulit lamang sa papel, ngunit ang tunay na pagsubok ay ang araw-araw na paghubog sa isipan at kinabukasan ng mga bata.
"GAWIN MO KAHIT TAKOT KA"
Para sa mga nangangarap maging Licensed Professional Teacher at topnotcher, isang simpleng mensahe ang iniwan ni Erica.
Hindi aniya kailangang maging 100 porsiyentong handa bago sumubok.
Inamin niyang ilang beses niyang ipinagpaliban ang pagkuha ng LEPT dahil pakiramdam niya ay hindi pa siya handa. Ngunit nang magpasya siyang humarap sa pagsusulit dala ang panalangin at paniniwala sa sarili, nagbunga ang lahat ng kaniyang sakripisyo.
Ngayon, dala ang tatlong letrang LPT sa dulo ng kaniyang pangalan, umaasa siyang mas marami pang future teachers ang magkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang kanilang mga pangarap.
Higit sa lahat, paalala niyang ang pagiging guro ay hindi nagtatapos sa pagpasa sa board exam—nagsisimula pa lamang ito sa araw na pinili nilang ialay ang kanilang buhay sa paghubog ng susunod na henerasyon.
"Maniwala kang kaya mo. Gawin mo kahit takot ka. Gawin mo kahit pinanghihinaan ka ng loob. Padayon, future LPTs at topnotchers," aniya.
Congratulations Teacher Erica!