July 27, 2026

Home BALITA

Magkahiwalay na pampasabog, narekober sa Senado, DOJ; isa, sumabog!

Magkahiwalay na pampasabog, narekober sa Senado, DOJ; isa, sumabog!
Photo courtesy: MB file photo

Dalawang magkahiwalay na improvised explosive device ang nakumpirmang itinanim malapit sa Senado sa Pasay City at Department of Justice (DOJ) sa Maynila, na nakumpirma nitong umaga ng Lunes, Hulyo 27, 2026.

Ayon sa DOJ, kumpirmadong sumabog ang naturang bomba malapit sa kanilang tanggapan sa kahabaan ng Padre Faura Street, Ermita bandang 12:17 madaling-araw nitong Lunes. 

Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi mula sa naturang insidente habang nagpapatuloy na ang imbestigasyon ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP-EOD).

Siniguro din ng DOJ na ligtas na raw ang buong bisinidad ng kanilang tanggapan habang pinaiigting ang seguridad dito.

“There are no reported casualties, and the Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP-EOD) Unit was immediately notified and responded to conduct a technical examination,” anang DOJ sa kanilang inilabas na pahayag nito ring Lunes.

Matutupad o maliligwak? Buod ng ikalimang SONA ni PBBM

Samantala, kinumpirma naman ng Pasay City Police na isa ring improvised explosive device ang kanilang narekober malapit sa Senado.

Ayon sa mga awtoridad, isang towing service employee ang nakakita sa naturang pampasabog na nakapuwesto umano sa center island sa kahabaan ng Diokno Boulevard pasado 8:00 ng umaga nitong Lunes.

Wala namang napaulat na nasaktan mula sa naturang insidente at naituloy ang ikalawang regular session ng Senado.