Sa darating na Lunes, Hulyo 27, ikakasa na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Sa naturang event na alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas, iuulat ng Pangulo ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon, ang estado ng kaniyang mga proyekto at mithiin, at maging ang mga panibago niyang pangako sa sambayanang Pilipino.
Ngunit bago pa man si PBBM, nagkaroon na ng 16 na Pangulo ang Pilipinas, at karamihan sa kanila ay nagsagawa rin ng kani-kanilang SONA bilang presidente ng bansa.
Pero sa mga nagdaang administrasyon, ano-ano nga ba ang mga “pinaka” sa kasaysayan ng SONA sa Pilipinas?
PINAKAUNANG SONA
Si dating Pangulong Manuel L. Quezon ang nakapagsagawa ng unang SONA sa kasaysayan ng Pilipinas, noong taong 1935 sa Legislative Building sa lungsod ng Maynila (na ngayon ay ang National Museum of Fine Arts).
PINAKAMARAMING BILANG NG SONA
Si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., ama ni PBBM, ang nakapagtala ng pinakamaraming SONA sa kasaysayan ng bansa.
Nakapagsagawa si Marcos, Sr. ng 20 SONA, sa loob ng kaniyang 21 taong panunungkulan bilang dating Pangulo ng Pilipinas.
PINAKAKAUNTING BILANG NG SONA
Si dating Pangulong Sergio Osmeña, Sr. naman ang nakapagtala ng pinakakaunting SONA, kung saan nakapagkasa lamang siya ng isa noong 1945.
PINAKAMAHABANG SONA SA USAPIN NG MGA SALITA
Si Marcos, Sr. ang nakapagtala ng pinakamahabang SONA kung ang pag-uusapan ay bilang ng mga salita.
Ang kaniyang ikaapat na SONA noong 1969 ay mayroong 29,335 na mga salita.
PINAKAMAIKSING SONA SA USAPIN NG MGA SALITA
Si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagsagawa ng pinakamaiksing SONA, kung ang batayan ay ang bilang ng mga salita.
Sa kaniyang SONA noong 2005, ang kaniyang talumpati ay mayroon lamang 1,551 na mga salita—na tumagal lamang ng 25 minuto at 55 segundo.
PINAKAKAKAIBANG SONA SA USAPIN NG LUGAR AT LENGGWAHENG GINAMIT
Kakaiba ang SONA ni dating Pangulong Elpidio Quirino noong 1950, dahil ibinahagi niya ang kaniyang talumpati noong siya ay nasa Johns Hopkins Hospital, sa bansang Amerika.
Naisakatuparan ang pagbabahagi ng kaniyang SONA sa tulong ng isang radio broadcast.
Si dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III naman ay gumamit ng wikang Filipino sa kaniyang buong talumpati noong 2010.