July 27, 2026

Home FEATURES Human-Interest

‘Signs of aging?’ Mga senyales na pa-Tito o Tita na ang isang tao

‘Signs of aging?’ Mga senyales na pa-Tito o Tita na ang isang tao
Photo courtesy: Pexels

Laging sumasakit ang likod? Inaantok na pagtungtong ng 10:00 PM? 

Ilan ito sa mga itinuturing na malinaw indikasyong tumatanda na ang isang tao para sa maraming Gen Zs. 

Ika pa nga nila, “tito” o “tita” na ang mga ito, na kadalasan, Millennials na nasa edad 28 pataas. 

Bukod sa mga paunang pangitaing ito ng umano’y pagtanda, narito ang ilan pang mga senyales na isa nang “tito” o tita” na ang isang tao o kaya’y nalalapit na doon: 

Hindi na updated sa mga pakulo ng Gen Zs at Gen Alpha

Human-Interest

Pinoy developer, gumawa ng app na nagbabantay sa pagdating ng LRT, MRT

Ang mga “tito” o “tita” o kaya’y mga papunta na sa edad na ito ay hindi na sumusunod sa trends kaya hindi na nila alam ang “latest showbiz chika,” ang ibig sabihin ng “jgh (just got home), “smh” (shaking my head), o pag- “soft/hard launch” ng jowa.

Gayunman, updated naman ang mga ito sa mga maiinit at nagbabagang balita dahil mas nagiging seryoso at malawak na ang kanilang mga alalahanin sa buhay. 

Madali nang mairita sa ingay 

Dahil ang mga ito ay mas gusto nang matulog bago o pagtungtong ng 10:00 PM, madali na silang mairita sa maiingay na bagay o tao dahil nakakaistorbo na ito sa kanilang “peace and quiet.” 

Para sa mga “tito,” “tita” o kaya’y mga papunta na rito, mas mahalaga na ang kanilang pahinga at kapayapaan kaysa sa anumang ingay, mula man ito sa late-night parties, pasyal, o kaya’y paghahabol ng series sa telebisyon. 

Umaasa na sa pain relievers at menthol balms

Tapos na ang mga “tito” at “tita” sa mabubulaklak o sumisipang mga pangabango dahil humahalimuyak na sila sa amoy ng menthol mula sa mga ipinahid nila pain relievers at scented balms sa mga sumasakit nilang kasu-kasuan. 

Mahilig sa discounts

Dahil alam na ng mga “tito” at “tita” na hindi tumutubo ang pera sa lupa, todo na rin ang pagtitipid nila, dahil dito, kumakapit sila sa discount cards at coupons upang makamenos gastos sa kanilang mga pinamimili, mapa-online shopping man ito o grocery shopping. 

Nangongolekta ng eco-bags at plastic bags 

Kung dati, natatawa ang mga “tito” at “tita” sa mga magulang o kaanak nilang nangongolekta ng plastic at eco-bags, ngayon, sila na ang gumagawa nito upang makabawas sa ₱1 o ₱2 nitong dagdag sa grocery shops. 

Kadalasan, makikita ang mga kinolekta nilang eco-bags at plastic bags sa sulok-sulok ng kanilang kwarto o kaya’y sa ilalim ng lababo. 

Mahilig sa anik-anik

Mapa-smiski man, sonny angels, o kaya’y labubu, makikitang namumutiktik ang kanilang “work area” ng mga maliliit na laruang nakangiti upang ma-”heal” ang kanilang “inner child” at maibsan ang stress na nadarama sa trabaho o anumang gawain. 

Minsan, makikita ring nakasabit ang mga ito sa kanilang bags o wallet.