July 27, 2026

Home BALITA National

Diokno ngayong SONA: 'Panahon nang maglatag ng mga solusyon!'

Diokno ngayong SONA: 'Panahon nang maglatag ng mga solusyon!'
Photo courtesy: Chel Diokno/FB, Bongbong Marcos/FB


Nagkomento si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno hinggil sa mataas na presyo ng iba’t ibang produkto at serbisyo sa bansa, na aniya’y ramdam pa rin ng mga Pilipino.

Kasunod ito ng nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ngayong Lunes, Hulyo 27, sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

Saad ni Rep. Diokno sa kaniyang social media post noong Linggo, Hulyo 26, panahon na raw upang ilatag ang mga solusyong ramdam sa bawat kabahayan sa bansa.

“Ramdam pa rin ng maraming Pilipino ang taas ng presyo ng kuryente, langis, pagkain at mga pangunahing bilihin,” saad ni Rep. Diokno sa kaniyang post.

“Ngayong SONA, panahon nang maglatag ng mga solusyong mararamdaman sa bawat tahanan,” giit pa niya.

Photo courtesy: Chel Diokno/FB

Sa hiwalay na post, hiniling din ng kongresista ang aniya’y pagpapanagot sa mga kurakot at mga “buwaya” ng flood control projects.

“Mag-iisang taon na nang sinabi ng pangulo sa kanyang SONA na mananagot ang mga buwaya sa flood control. Ngayong SONA, hindi pangako ang kailangan ng bayan kundi MAPANAGOT ANG MGA KURAKOT,” anang kongresista.

Photo courtesy: Chel Diokno/FB

Sa kaugnay na ulat, sinita rin ng kapwa niya kongresista na si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang tila kakapusan sa mga nagawa ni PBBM sa loob ng kaniyang unang apat na taon sa puwesto.

“Today the President will deliver his 2nd to the last State of the Nation Address. Opportunity ito ng mamamayan to measure his accomplishments. Pero nitong nakaraang apat na taon: tinimbang siya, ngunit kulang,” saad ni Cendaña sa kaniyang social media post nitong Lunes, Hulyo 27.

MAKI-BALITA: Cendaña sa unang apat na taon ni PBBM: ‘Tinimbang siya, ngunit kulang!’