Ipinagdiinan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na kulang pa umano ang accomplishments o nagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa unang apat na taon nito sa puwesto bilang presidente ng bansa.
Sa isang social media post na ibinahagi ni Rep. Cendaña nitong Lunes, Hulyo 27, sinabi niyang oportunidad na ng mga Pilipino na sukatin ang mga nagawa ni PBBM, kasabay ang pagkakasa nito ng kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.
“Today the President will deliver his 2nd to the last State of the Nation Address. Opportunity ito ng mamamayan to measure his accomplishments,” saad ni Cendaña.
Aniya, “Pero nitong nakaraang apat na taon: tinimbang siya, ngunit kulang.”
Sinita rin ng mambabatas ang umano’y mahinang pamumuno ng Pangulo, kakapusan nitong tugunan ang isyu ng korapsyon sa bansa, at iba pa.
“The President's indecisiveness and weak leadership has hampered efforts to solve the problems that haunt our people,” anang mambabatas.
Aniya, “Naging kapos ang tugon ng kanyang administrasyon sa pagsupil sa korapsyon, pagbigay ng konkretong solusyon sa kakarampot na kita at nagtataasang mga bayarin, at paglikha ng disenteng trabaho at hanapbuhay para sa lahat.”
“Last two minutes na ito ng administrasyon. We need action and results. Ubos na ang pasensya ng taumbayan,” pagtatapos niya.
Photo courtesy: Perci Vilar Cendana/FB
Oras na lamang ang bibilangin upang pormal na isagawa ni PBBM ang kaniyang SONA ngayong araw, kung saan iuulat niya ang estado ng bansa, ang kaniyang mga nagawa, at maging ang mga panibago niyang pangako sa susunod na mga taon bilang Pangulo ng Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Ang mga 'pinaka' sa kasaysayan ng SONA sa Pilipinas-Balita