Usap-usapan ang umano'y X post ni "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" Kapamilya Big Winner at "It's Showtime" host Brent Manalo laban sa kontrobersiyal na "Pax Silica," na mababasa noong gabi ng Sabado, Hulyo 25.
Nagpahayag ng pagtutol ang aktor at TV host sa planong Pax Silica AI Hub na itatayo sa New Clark City, Tarlac, dahil sa umano'y posibleng masamang epekto nito sa mga magsasaka at sektor ng agrikultura sa lalawigan, kahit na sinasabing makadaragdag ito sa pagtaas ng employment.
"NO TO PAX SILICA," panimula ni Brent sa X account na nakapangalan sa kaniya, bagama't wala pa itong verification badge o blue check.
"Tarlac heavily relies on agriculture for its sustenance and marami sa magsasaka namin ang posibleng marelocate at mawalan ng kabuhayan dahil dito," aniya.
"And this is just one of the many risks it poses. the 1.6k hectare AI-hub promises to be innovative but at what cost," dagdag pa niya.
Photo courtesy: Screenshot from Brent Manalo/X
Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng Pilipinas at Amerika na naglalayong magtayo ng isang 1,600-ektaryang artificial intelligence (AI) at technology hub sa nabanggit na lugar.
Bahagi ito ng mas malawak na plano upang makabuo ng isang ligtas at matatag na AI ecosystem at supply chain, kasabay ng pag-akit ng malalaking pamumuhunan sa data centers, semiconductor manufacturing, at iba pang high-technology industries.
Paliwanag ng pamahalaan, inaasahang lilikha ang proyekto ng libo-libong trabaho at magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas bilang sentro ng AI development sa rehiyon.
Sa kabila nito, marami sa mga Pilipino ang tutol sa pagtatayo nito dahil maaari daw nitong maapektuhan ang suplay ng malinis na tubig sa bansa, bukod pa sa posibleng masira ang kalikasan.
Maki-Balita: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica