Magtutulungan ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at ng Philippine Coast Guard (PCG) upang matiyak ang kaligtasan ng mga train commuters.

Nabatid na lumagda ang LRTA at PCG ng Memorandum of Agreement (MOA) hinggil dito, sa pangunguna nina LRTA Administrator Jeremy Regino at PCG Commandant Vice Admiral Leopoldo V. Laroya, sa idinaos na Commandant’s Night sa Rizal Park Hotel sa Maynila kamakailan.

Sa ilalim ng kasunduan, magkakaloob ang PCG ng regular na RT-PCR testing sa mga empleyado ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na pinangangasiwaan ng LRTA, at tutulong sa ahensiya sa pagdaraos ng mga emergency drills at maging sa panahon ng mga krisis at medical emergencies.

Sa panig naman ng LRTA, pagkakalooban nila ng libreng sakay sa LRT-2 ang lahat ng aktibong personnel ng PCG, matapos nilang magprisinta ng kanilang ID cards, na siyang magsisilbi nilang access pass.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

“Giving PCG personnel free train rides is a simple way of recognizing their sacrifices and humanitarian service to our country. With the MOA, they will not just be protecting our maritime resources but will also be available to assist the LRT-riding public during calamities, including this pandemic,” ayon kay Regino.

Matatandaang nire-require ng Department of Transportation (DOTr) ang mga LRT-2 frontline personnel na regular na masuri laban sa COVID-19 upang makatulong sa pagsugpo ng sakit sa bansa at matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado ng LRTA at ng kanilang mga pasahero.

Una na ring lumagda ng kahalintulad na kasunduan ang LRTA sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) noong 2020 para naman sa pagkakaloob ng police visibility at pagtiyak ng passenger safety sa LRT-2.

Mary Ann Santiago