Ilulunsad muli ng Manila City Government ang Valentine’s Day event na tinatawag na “MayniLove" na nag-aalok ng libreng venue para sa mga magsing-irog na nais magdiwang ng Araw ng mga Puso ng hindi na kinakailangang gumastos.

Bureau Permits Manila/FB

Ang “MayniLove”ay magkatuwang na ilulunsad nina Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, Congressman Yul Servo at Bureau of Permits and Licensing Office chief Levi Facundo sa Mehan Garden, sa Lunes, Pebrero 7.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Ayon kay Facundo, ang proyekto ay nasa ilalim pa rin ng programa ng gobyerno na ‘Manila Support Local’.

Layunin nitong mabigyan ng 'dating site' ang mga magsing-irog ng libre at wala na silang kailangang bayaran pa.

Bukas aniya ito sa publiko araw-araw, mula 4:00 PM hanggang 11:00 PM hanggang sa Pebrero 15.

Ayon naman kay Moreno, ang mga residente ang nasa isip niya nang mabuo ang naturang ideya upang magkaroon sila ng ligtas, open-air, at magandang lugar na mapupuntahan sa panahon ng Araw ng mga Puso.Bukod dito, nais rin ng alkalde na maipagpatuloy ang kanyang commitment na tulungan ang mga negosyante na makabangon matapos na malugi dahil sa pandemya ng COVID-19.

Sinabi ng alkalde na libreng makakapasok sa lugar ang mga magsing-irog, kung saan maaari silang mamasyal, makinig ng live music, mag-selfie at mamili ng pagkain at mga gift items.

Inanyayahan rin ng alkalde ang mga residente at maging mga non-residents na bisitahin ang MayniLove at suportahan ang mga maliliit na negosyante.

Nabatid na may 30 stall owners na ang nagpahayag ng pagnanais na lumahok sa event at plano ng mga ito na magtinda ng mga Valentine-themed food at non-food items.

Magkakaroon rin aniya ng fine dining restaurant para sa mga nais mag-"date night dinner."

“There will be florists, chocolates and candies, stuff toys, balloon arrangements, perfumes, retail clothing for couples, gift ideas for your loved ones, a photo booth to capture the memories of your visit, including a Valentine concert. We will make sure that everyone will have a wonderful experience at MayniLove aside from creating opportunities for business and employment with the LOVE sculpture as our centrepiece,” anang alkalde.

Siniguro rin niya na mahigpit na ipatutupad ang health at safety protocols sa lugar para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

Mary Ann Santiago