August 30, 2026

Home BALITA Probinsya

Dumalo sa 4Ps meeting: Buntis na Aeta na sakay ng tumaob na bangka, natagpuang patay!

Dumalo sa 4Ps meeting: Buntis na Aeta na sakay ng tumaob na bangka, natagpuang patay!
VIA MB

Narekober na ang bangkay ng isang buntis na Aeta na apat na araw nang nawawala matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa Mapanuepe Lake sa San Marcelino, Zambales, nitong Linggo, Agosto 30.

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na narekober 11:20 ng umaga ang bangkay ni Arryn Paanan Liwanag, 26, dahilan upang umakyat sa siyam ang bilang ng mga nasawi sa insidente.

Si Liwanag ang huling natitirang nawawala sa tatlong pasaherong hindi agad natagpuan matapos tumaob ang bangkang lulan ang 13 Aeta malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen noong Agosto 27.

Narekober noong Sabado ang mga bangkay ng dalawa pang nawawalang pasahero na sina Chandnea Serrano Dela Cruz, 3, at Anqelito Serrano Liwanag, 8.

Kabilang din sa mga nasawi sina Elvis Tiglao Pabalan, 33; Joanavie Mae Tiglao Pabalan; Sally Serrano Dela Cruz, 29; Prince Lenard Serrano Dela Cruz, 1; Evelyn Yurik Lagman, 45; at Cedric Serrano Liwanag, 2.

Probinsya

Kawayang tulay sa Oriental Mindoro, tulong-tulong na binuo para madaanan

Apat naman sa mga sakay ng bangka ang nakaligtas.

Ang 13 Aeta ay mula sa komunidad sa Sitio Lumibao, na matatagpuan sa kabilang bahagi ng Mapanuepe Lake mula sa pangunahing bahagi ng Barangay Buhawen. Kailangang tumawid ng mga residente sa lawa sakay ng bangka upang makarating sa kanilang komunidad.

Pumunta ang grupo sa Barangay Buhawen para sa vaccination program at pagpupulong kaugnay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Pauwi na ang mga ito sa Sitio Lumibao nang makaranas ng malalakas na hangin at maalong tubig ang bangka hanggang sa ito ay tumaob.

Nagpatuloy nang apat na araw ang search and rescue operations, ngunit ilang ulit itong sinuspinde ng mga responder dahil sa hindi magandang kondisyon ng panahon.

Sa pagkarekober kay Liwanag, kumpleto na ang bilang ng 13 katao na sakay ng bangka—siyam ang nasawi at apat ang nakaligtas.