Posibleng isailalim ng gobyerno sa mas pinaluwag na quarantine protocols ang Metro Manila sa kalagitnaan ng Pebrero bilang hakbang laban sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang inihayag ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles sa isang television interview nitong Miyerkules, Pebrero 2.

Aniya, pinag-aaralan pa ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang usapin bago isakatuparan ang hakbang.

“Tignan natin. By February 12 or 13, we’ll be taking a look again at the numbers of NCR kung pwede na siya mag-Alert Level 1,” lahad ni Nograles.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

“The protocols natin sa IATF, we do not deescalate until every 15 days. Titignan natin by February 16 kung pwede na ba mag-Alert Level 1 ang NCR,” anang opisyal.

Bago aniya nila ipatupad ang Alert Level 1 ay dapat na maitala ang mababa sa 49 porsyentong total bed utilization, zero o dalawang linggong pagbaba ngn growth rate, at bumaba sa 1 ang average daily attack rate.

Bukod dito, dapat din aniyang maabot munaang 70 porsyentong vaccinate rate para sa mga A2 o senior citizens at A3 (persons with comorbidities).

“That is when we are really at the minimal risk classification,” sabi nito.

Kapag naipatupad na aniya ang Alert Level 1, hindi na hihigpitan ang indoor at outdoor activities at malaya nang bumiyahe ang lahat at halos balik na rin sa normal ang sitwasyon. Gayunman, idinagdag ni Nograles na dapat pa ring ipairal ang minimum public health standards.

Argyll Geducos