Bumagsak sa kamay ng awtoridad ang dalawang big-time drug pusher matapos masamsaman ng 1 kilo ng pinaghihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000 sa ikinasang buy-bust operation sa Pasay City nitong Oktubre 25.

Kinilala ang mga suspek na sina Jake Hernandez at Lorieben Delos Santos, kapwa nasa hustong gulang, at mahaharap sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa inisyal na ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-RSET, PDEA Oriental Mindoro PO, PDEA Marinduque PO, PDEA Romblon PO sa Barangay 76, Mall of Asia (MOA), Pasay City na nagresulta ng pagkakaaresto ng dalawang drug suspect dakong 8:55 ng gabi nitong Lunes.
Nauna rito nagkasa ng ilang linggong surveillance ang awtoridad sa masamang gawain ng mga suspek hanggang sa kumagat sa transaksiyon.
Nasamsam kina Hernandez at Delos Santos ang isang malaking transparent plastic sachet na naglalaman ng umano'y ilegal na droga, P1 milyong pisong marked money at paper bag.
Nasa kustodiya ng tanggapan ng PDEA ang dalawang naarestong suspek.
Bella Gamotea