August 26, 2026

Home BALITA National

'Wag matakot sa Pax Silica, this is a chance in a lifetime!'—Rep. Alvarez

'Wag matakot sa Pax Silica, this is a chance in a lifetime!'—Rep. Alvarez
Photo courtesy: Screenshot from Senate of the Philippines (YT)/MB

Nanawagan si Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez sa publiko na huwag agad mangamba sa planong Pax Silica Industrial Hub, sa gitna ng mga tanong tungkol sa malaking pangangailangan nito sa tubig.

Sa isinagawang pagdinig ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa 2027 budget, ipinagtanggol ni Alvarez ang panukalang industrial hub at sinabing hindi dapat maging dahilan ng pangamba ang iniulat na pangangailangan nitong aabot sa 60 milyong litro ng tubig kada araw.

Ayon sa mambabatas, maliit lamang umano ang naturang volume kung ihahambing sa pinagsamang dami ng tubig na ibinubuhos ng mga ilog sa Zambales patungo sa karagatan.

Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na huwag matakot sa proyekto.

“Huwag matakot yung ating publiko sa Pax Silica. Just a small information, kasi water is my forte... This is a chance in a lifetime. We must get this," paliwanag niya.

National

PBBM, ipinag-utos agarang pagresolba sa isyu ng delayed ₱10k cash gift sa senior citizens

Ano ang Pax Silica?

Ang Pax Silica ay isang inisyatibang pinangungunahan ng United States na naglalayong palakasin ang global supply chain para sa artificial intelligence (AI), semiconductors at critical minerals. Kasama ang Pilipinas sa mga bansang lumahok sa naturang inisyatiba.

Sa Pilipinas, planong itayo ang isang 1,620-hectare high-tech industrial at manufacturing hub sa New Clark City, Tarlac bilang bahagi ng Luzon Economic Corridor. Layunin nitong maakit ang mga pamumuhunan sa advanced manufacturing, semiconductor, AI at iba pang high-technology industries.

Batay sa mga naunang ulat, maaaring umabot sa US$40 bilyon hanggang US$70 bilyon ang investments na maakit ng proyekto kapag ganap na itong nadebelop. Tinatayang maaari rin itong makalikha ng mahigit 130,000 high-quality jobs para sa mga Pilipino.

Isa sa pinakamalaking kontrobersiya sa Pax Silica ang pangangailangan nito sa tubig, partikular dahil kabilang sa mga industriyang maaaring pumasok sa hub ang semiconductor manufacturing at data centers.

Sa isang naunang paliwanag, sinabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na tinatayang nasa 65 milyon hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw ang maaaring kailanganin ng buong proyekto. Plano umano nitong gumamit ng surface-water harvesting system sa halip na umasa sa groundwater.

Ayon sa BCDA, ang unang water-harvesting facility ay maaaring makapag-supply ng hanggang 120 milyong litro kada araw, na maaari pang palawakin sa 300 milyong litro.

Sinabi rin ng National Water Resources Board na dapat manatiling pangunahing prayoridad ang suplay ng tubig para sa mga komunidad sa paligid ng proyekto.

Hindi lamang water supply ang pinag-uusapan tungkol sa Pax Silica. May mga grupo ring nagpahayag ng pangamba hinggil sa environmental impact, paggamit ng lupa, pagmimina, karapatan ng mga katutubo at posibleng epekto ng proyekto sa mga komunidad.

Samantala, iginiit ng pamahalaan na sasailalim sa mga kinakailangang environmental safeguards ang mga bahagi ng proyekto. Ayon sa BCDA, kailangan munang makakuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang bawat project component bago magsimula ang konstruksyon.

Gayunman, isang mahalagang bagong development: sinabi ng DENR nitong Agosto 26, 2026 na wala pa itong naprosesong environmental impact assessment para sa Pax Silica; ibig sabihin, wala pa itong pinal na environmental clearance para sa proyekto.

Kaugnay na Balita: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica

Kaugnay na Balita: Pax Silica, tinatayang kokonsumo ng 65-90 milyong litro ng tubig kada-araw!

Kaugnay na Balita: Iba pang lokasyon para sa mga proyekto sa ilalim ng Pax Silica, minamatahan ng Pinas—DTI