Nasa 7,835 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa hanggang nitong Huwebes ng hapon.

Batay sa case bulletin #579 na inisyu ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,698,232 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang nitong Oktubre 14, 2021.

Sa naturang kabuuang bilang, 3.1% pa o 84,850 ang nananatiling aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Sa mga aktibong kaso, 77.2% ang mild cases, 10.6% ang asymptomatic, 7.01% ang moderate, 3.6% ang severe at 1.5% ang kritikal.

DENR Sec. Yulo-Loyzaga, na-elbow na sa gabinete ni PBBM?

Nakapagtala rin ang DOH ng 5,317 pasyente na gumaling na mula sa virus sanhi upang umabot na sa 2,573,161 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 95.4% ng total cases.

Mayroon rin namang 154 mga pasyente pa ang namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19, kaya’t umaabot na ngayon sa 40,221 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.49% ng total cases.

Samantala, ayon pa sa DOH, mayroon ring 58 duplicates ang inalis nila mula sa total case count, kasama rito ang 42 recoveries at dalawang patay.

Mayroon din namang 89 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ang kalaunan ay natuklasang namatay na pala, sa pinal na balidasyon.

Ayon pa sa DOH, ang lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Oktubre 12, 2021 habang mayroong apat laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng apat na laboratoryong ito ay humigit kumulang 1.3% sa lahat ng samples na naitest at 1.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal. 

Mary Ann Santiago