August 27, 2026

Home BALITA National

PBBM, binigyang-pugay si Gwyn Dorado sa pag-usbong ng karera sa South Korea

PBBM, binigyang-pugay si Gwyn Dorado sa pag-usbong ng karera sa South Korea
Photo courtesy: PCO

Pinuri at kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Filipino singer-songwriter na si Gwyn Dorado matapos ang sunod-sunod na tagumpay nito sa industriya ng musika sa South Korea.

Nakipagkita si Dorado kay PBBM sa Malacañang nitong Martes, Agosto 25, para sa isang courtesy call. Sa naturang pagkikita, kinilala ng Pangulo ang lumalawak na international presence ng batang mang-aawit at ang ambag nito sa pagdadala ng talento ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Matapos ang kanilang pag-uusap sa Malacañang, nagbigay rin si Dorado ng maikling musical performance para sa Pangulo.

Inawit niya ang bahagi ng Filipino classic na “Bato sa Buhangin,” bago matapos ang kaniyang courtesy call.

Isa sa pinakamalaking milestone ni Dorado ngayong taon ang kaniyang paglahok sa South Korean singing competition na “Sing Again 4.”

National

Lumilinta, pumepeste sa pera ng mga manggagawa! Rep. Eli, binira si Ivana sa pag-promote ng sugal

Naging tanging foreign contestant siya na nakapasok sa Top 4 ng kompetisyon at nagtapos bilang runner-up sa grand finale noong Enero 6, 2026. Sa final round, nakakuha siya ng kabuuang 3,009.39 puntos, 41.67 puntos lamang ang pagitan sa nagwaging Korean singer na si Lee Oh-wook.

Lalong naging kapansin-pansin ang performance ni Dorado matapos siyang makatanggap ng 798 sa 800 puntos mula sa mga hurado para sa kaniyang rendition ng “I Want You”—na noong panahong iyon ay pinakamataas na score sa kasaysayan ng naturang season. Sa final round naman, nakakuha siya ng 799 puntos para sa “Light Up.”

Matapos ang Sing Again 4, naging bahagi si Dorado ng Netflix Korea reality music competition na “Famous Singers Need a Hit Song.” Sa 20-episode competition na tumakbo mula Pebrero hanggang Mayo 2026, nakipagtulungan ang mga contestant sa mga kilalang Korean music producer upang lumikha at maglabas ng mga bagong kanta.

Sa finale noong Mayo 2, itinanghal na grand winner si Dorado, na nagkamit din ng 20 milyong Korean won bilang music-tour funding at tiket patungong Rome.

Bagama't ngayon ay nakikilala siya sa South Korea, nagsimula nang maaga ang paglalakbay ni Dorado sa international music scene.

Noong 10 taong gulang pa lamang siya, naging finalist siya sa unang season ng “Asia’s Got Talent” noong 2015. Sa audition, kinanta niya ang “Roar” ni Katy Perry at nakatanggap ng apat na “yes” mula sa mga hurado. Umabot siya sa grand finale at kabilang sa Top 5 finalists.

Noong 2016, napili rin siyang umawit ng "Lupang Hinirang," ang pambansang awit ng Pilipinas, sa State of the Nation Address o SONA ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Samantala, mas naging seryoso ang kaniyang career sa South Korea nang pumirma siya noong Pebrero 2024 ng limang taong kontrata sa Korean agency na A.O Entertainment. Mula noon, nakapaglabas na siya ng sariling musika at naging bahagi rin ng soundtrack ng Korean drama na ToGetHer.