Inaresto ng pulisya ang isang empleyado ng Makati City Hall matapos umanong mangikil ng isang negosyanteng Briton sa nabanggit na lungsod,nitong Huwebes ng gabi.
Under custody na ng Makati City Police ang suspek na kinilala ni City Police chief, Col. Harold Depositar, na si John Rey Villarino, 30, binata, kawani ng Public Safety Department (PSD) ng Makati City Hall, at taga-Eureka Street, Barangay La Paz ng nasabing lungsod
Inireklamo siya ng biktimang si Jonathan Dean Thorp, 58, at taga-No.8471 Kalayaan Avenue, Brgy. Poblacion, Makati City.
Isinagawa ang pagdakip nang magreklamo sa pulisya ang biktima na kinikikilan umano ng suspek, kapalit ng pagbawi sa closure order sa negosyo nito.
Kamakailan, humihingi rin umano ang suspek ng P10,000 sa kasosyo sa negosyo ng biktima na si Shane Reid hanggang sa isumbong ito sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto nito nang tanggapin ang ₱80,000 marked money sa isang entrapment operation sa bar sa Kalayaan Ave., Fermina St., Brgy. Poblacion, 6:15 ng gabi.
Inihahanda na ang kaso laban sa suspek, ayon pa sa mga awtoridad.
Bella Gamotea