ni Fer Taboy
Tatlong pulis at dalawa pang sibilyan ang binawian ng buhay matapos na mabangga ng isang sports utility vehicle ang isang motorsiklo sa Bgy. Lagab, Compostela, Davao de Oro nitong Miyerkules ng hapon.
Sa report ni Police Major Darwin Dura, hepe ng Compostela Municipal Police Station (CMPS), kinilala ang tatlong pulis na sina
Patrolman Adamson Casador, at Patrolman Armon Pelicano, kapwa nakatalaga sa 1101st Regional Mobile Force Company (RMFC) ng Regional Public Safety Battalion sa Panansalan at Cpl. Aries Jay Yray, nakatalaga naman sa CMPS, at magpinsan na sina Marjon Mabinse at Jayson Mabinse.
Sa police report, binabagtas ng SUV na kinalulunanan ng tatlong pulis ang nasabing kalsada nang biglang masalpok nito ang motorsiklo na minamaneho ni Rodolfo Antiojo, kaangkas ang magpinsan.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, parehong nahulog ang dalawang sasakyan sa canal na nagresulta ng pagkamatay ng mga ito.
Sugatan naman ang isa pa nilang kasamahan na si Corporal Jayford Sumaliday, na isinugod sa District Hospital ng Davao de Oro.
Ayon kay Major Dura, galing sa kanilang temporary post sa Bgy. San Miguel, Compostela ang mga pulis at papunta sana sa Montevista ng mangyari ang aksidente.