ni Fer Taboy
Tatlong bangkay ang narekober ng mga otoridad na pinaniniwalaang pinatay ng isang kulto sa Arakan, North Cotabato.
Ang mga bangkay ay kinilalang sina Leonardo Lauron Capillan, 61 anyos, namatay noong Enero 31; Bernardo Provida Capillan (anak ni Leonardo), 32, namatay noong Pebrero 1;!at Ailyn Magali,18, dalaga, at namatay noong Pebrero 6, pawang mga residente ng Barangay Libertad, Arakan, North Cotabato.
Ang kulto ay pinamumunuan diumano ni Nicholas Canonigo, alyas Kolas, at ng kanyang anak na si Joana Lou Canonigo.
Naniniwala diumano ang grupo na sila ay maliligtas sa pagtira sa gitna ng bundok at malayo sa problema. Kain, tulog at dasal lamang ang ginagawa ng mga miyembro nito, at naniniwala rin sila na hindi maililigtas ang isang indibidwal kung ililibing siya pagkatapos mamatay.
Sasanib umano kay Joana Lou Canonigo si Santa Maria at mabubuhay ang mga bangkay.
Una nagreklamo ang pamilya ng tatlong bangkay dahil nangangamoy at naaagnas na ang mga ito. Tutol umano ang mag-amang Canonigo na kunin ang bangkay at ilibing.
Nagsagawa ng negosasyon ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Arakan sa pangunguna ni Mayor Rene Rubino, pulisya at militar na lisanin na ng grupo ni Canonigo ang lugar kung saan sila nagtitipon.
Kusang umuwi at mga miyembro ng kulto sa kanilang mga tahanan na dumalo sa isang ritwal.
Patuloy na iniimbestigahan ang mag-amang Canonigo ng mga otoridad kung may pananagutan ba sila sa batas.