IPINAALALA ng World Health Organization nitong Lunes na ang pag-iwas sa mga family gathering ang “safest bet” ngayong Pasko, sa paggigiit na walang “zero-risk option” para sa pagdiriwang ng traditional holiday sa gitna ng nagpapatuloy na coronavirus pandemic.

Sinabi ng mga opisyal ng WHO na nasa kamay na ng mga pamahalaan ang pagtitimbang sa ekonomikal at sosyal na benepisyong dala ng pagpapaluwag sa mga restriksyon sa panahon ng holiday, habang desisyon naman ng bawat indibiduwal kung ilalagay nila sa panganib ang kanilang mga kapamilya.

Nakikipaglaban ngayon ang Europe at America sa tumataas na kaso ng impeksyon na sumusubok sa sistemang pangkalusugan, na napipilitan ang mga pamahalaan na magpatupad ng stay-at-home orders at pagsasara ng mga negosyo habang papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.

Nagbabala naman si Maria Van Kerkhove, Covid-19 technical lead ng WHO, na walang “zero-risk option” sa kalagayan.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

“There’s lower risk or higher risk -- but there is a risk,” pahayag niya sa isang virtual media briefing.

“This is incredibly difficult because especially during holidays... we really want to be with family but in some situations, the difficult decision not to have that family gathering is the safest bet.”

Aniya, nasa desisyon na ng bawat isa ang pagtitimbang sa posibilidad na madala nila ang virus pauwi sa kanilang mga tahanan na may mga mas bulnerableng indibiduwal na mas mataas ang tiyansa na mamatay sa sakit.

Inirekomenda ni Van Kerkhove ang pakikipag-ugnayan “virtually” bilang alternatibong paraan.

“Even if you can’t celebrate together this year, you can find ways to celebrate when this is all over,” ayon sa US expert.

“We are doing that within our own family and we are going to have one heck of a celebration when this is all over.”

Samantala, sinabi naman ni Michael Ryan, WHO emergencies director, na kailangan ang pagbabalanse sa pagitan ng agham at salik ng ekonomiya at lipunan.

Gayunman, walang formula na mairerekomenda kung gaano katagal maaaring maging ligtas ang pagpapaluwag sa mga restriksyon sa panahon ng holiday.

Bago ang nalalapit na Thanksgiving holiday ng United States sa Huwebes, ibinahagi ni Ryan na matapos ang Thanksgiving ng kalapit nitong Canada – nagdiwang nitong Oktubre 12—tumaas ang kaso ng transmission sa bansa.

Aniya, “[there was] no question” na sa mga lugar na may kaso ng community transmission, ang pagpapaluwag ng restriksyon ay magreresulta sa pagtaas ng kaso.

“The question is: have you got the disease under enough control to start with, and can you allow people a little bit more freedom over the Christmas period which generates a sense of confidence and joy in the community, which people need right now, without letting the virus let rip again?”

“It’s a trade-off between these two issues.”

Ani Ryan, hindi kasing linaw ng agham ang mga polisiya ng bansa.

“Each government will have to decide on its policy, based on those trade-offs between the epidemiologic risk versus the economic and social risk of continuing to have people in restricted situation over a holiday period, which will generate genuinely a lot frustration, further fatigue and a lot of pushback,” paliwanag niya.

Agence France-Presse