August 26, 2026

Home BALITA Probinsya

Natiklong bangag sa droga, biglang nangaral tungkol sa Bibliya

Natiklong bangag sa droga, biglang nangaral tungkol sa Bibliya
Photo courtesy: Screenshot from Frontline Pilipinas/YT

Isang lalaking sinasabing lango sa ipinagbabawal na gamot ang inaresto sa Dinalupihan, Bataan matapos umanong magwala at magsisigaw sa harap ng sarili niyang bakery habang bumibigkas ng mga talata mula sa Bibliya.

Sa ulat ng Frontline Pilipinas ng TV5 noong Martes, Agosto 25, kinilala ang suspek sa alyas na "Paeng" na ireklamo ng ilang mga residente matapos umanong magwala madaling-araw noong Lunes, Agosto 24.

Kapansin-pansin sa pagresponde ng mga awtoridad ang paulit-ulit na pagbigkas ni Paeng ng mga talata sa Bibliya, kabilang ang Lucas 6:35 tungkol sa pagmamahal sa kaaway at Lucas 6:37 na tumutukoy sa hindi paghuhusga at pagpaparusa sa kapwa, nang masakote na siya.

“Ibigin mo ang iyong kaaway at gawa mo na kaawaan at kalungkutan mo pala ang darating sa iyo," aniya.

Muli rin niyang binanggit ang “Huwag kayong humahatol at huwag kayong magparusa, nang hindi kayo parusahan.”

Probinsya

SWS: Kagutuman sa Mindanao, tumaas sa 24% nitong Hunyo

Sa kabila nito, ayon sa ulat, hindi raw pari o pastor ang nabanggit na lalaki. 

Ayon sa panayam sa isang opisyal ng barangay, nagsimulang magsisigaw ang lalaki sa harap ng kaniyang bakery. Lalong kinabahan ang mga residente dahil mayroon umano siyang dalang baril, dahilan upang humingi sila ng tulong sa mga pulis at barangay officials.

Sa isinagawang pag-aresto, nakumpiska umano mula sa suspek ang isang sling bag na naglalaman ng baril na may bala. Nasabat din ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu.

Sinuri rin ng mga awtoridad ang kaniyang sasakyan kung saan nakita umano ang mga balang nakakalat sa loob.

Ayon naman sa pulisya, hirap umanong makausap nang maayos si Paeng. Gayunman, inamin umano niyang gumagamit siya ng ilegal na droga at binanggit din ang umano’y pinanggagalingan nito.

Inamin din umano ng suspek na sa pagmamay-ari niya ang nakumpiskang baril at iginiit na mayroon siyang lisensya para dito. Patuloy naman itong bineberipika at iniimbestigahan ito ng mga pulis.

Mahaharap umano ang lalaki sa reklamong alarm and scandal at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act kaugnay ng insidente at mga nakumpiskang kontrabando.