Uunahing turukan ng bakuna ang mga mahihirap na Pilipino na naninirahan sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Ipinahayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na geographical ang magiging istratehiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19.
Sinabi ito ni Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan mauuna ang National Capital Region, Davao, Cebu at Bacolod na nakapagtala ng matataas na kaso ng COVID-19 at naging epicenter. “Mayroon pong impact ‘yon kaagad sa ating economy at may impact kaagad na ma-contain po kaagad. So ang strategy po natin, Mr. President, po is geographical, priority ang NCR, priority ang Davao dahil ang Davao po ngayon umaakyat din, priority ang Cebu, priority po ‘yung mga Bacolod, ‘yung mga tinamaan po nang mabigat ng COVID,” ayon kay Galvez.
Ayon kay Galvez, sa ganitong paraan madaling malalaman kung epektibo ang bakuna at kung kaagad na maco-contain ang virus.
Sinabi ni Finance Secretary Carlo Dominguez na kakailanganin ang P73.2 bilyon pondo para sa 60 milyong katao na babakunahan.
-BETH CAMIA