Sumuko ang apat na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa 6th Special Forces Battalion (SFB) ng Philippine Army sa Sulu kamakailan.
Binanggit ni Lt. Col. Rafael Caido, commanding officer ng 6th SFB, kabilang sa sumuko si Radzmel Said, alyas Amil, kilalang tauhan ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan.
Bitbit ang kanyang M14 Garand rifle at mga bala nang sumuko ito sa pamahalaan.
Sinabi ni Caido na naging matagumpay ang pagsuko ni Said sa tulong na rin ni Capt. Froilan Pinay-an ng 20th SF Company.
Pinangunahan naman ni 13th SF Company 1st Lt. Filmar Luzon ang pagsuko ni Serhamal Bahjin Alli, apo ni ASG senior leader Radulan Sahiron.
Kasamang isinuko ni Alli ang M60 machine gun ng kanyang lolo at ang M16 Armalite rifle nito na may mga bala.
Iprinisinta naman kay 1102nd Infantry Brigade commander B/Gen. Ignatius Patrimonio ang dalawa pang sumukong ASG member na nakilalang sina Muknan Hadjirudin at Sali Kadil Ammad, kapwa taga-suporta ni ASG-subleader Alhabsy Misaya. Isinuko rin ng dalawa ang kanilang M14 Garand rifles.
-FER TABOY