Isang lalaki ang napatay habang isa pa ang sugatan matapos na pagbabarilin ng isang pulis na lasing habang sila ay naglalakad pauwi sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Tondo General Hospital ang biktimang si Joseph Marga, 32, elevator installer, at residente ng Block 6, J.P. Rizal Street, Tondo dahil sa tama ng mga bala sa katawan habang sugatan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa nasabi ring pagamutan ang isa pang biktimang si Mark Lester Quinoñes, 28, taga-Lot 36, Block 6, J.P. Rizal Street, Tondo.

Nakatakas naman at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Patrolman Alvin Santos, nakatalaga sa Sta. Cruz Police Station 3 (PS-3) ng Manila Police District (MPD).

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, ang krimen ay naganap sa Block 6, J. P. Rizal Street, ‘di kalayuan sa bahay ng mga biktima, dakong 2:45 ng madaling araw.

National

Ex-Pres. Duterte, wala raw tsinelas no'ng dalhin sa Netherlands—Sen. Bong Go

Naglalakad umano ang mga biktima pauwi, kasama ang isang Nelson Santos, nang makasalubong nila ang suspek.

Sinita umano sila ng suspek at pinagbantaang aarestuhin gayunman, nangatwiran umano si Marga at sinabing nakatira lamang sila sa naturang lugar.

Ikinagalit umano ito ng suspek na kaagad na nagbunot ng kanyang service firearm at pinagbabaril ang tatlo at tinamaan sina Marga at Quinoñes.

Tumakas si Santos gayunman, naiwan ang kanyang .9mm na service firearm sa crime scene.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya upang maaresto ang suspek.

-Mary Ann Santiago