PAGKATAPOS ng unang matagumpay at award-winning cultural drama na Sahaya, ni Bianca Umali, muling gagawa ang GMA Entertainment Group ng isa pang malaking proyekto, ang Legal Wives na magtatampok kay Kapuso Drama King Dennis Trillo na makakatambal niya sina Alice Dixson, Andrea Torres at Bianca Umali.
Iikot ang story ni Ishmael (Dennis) isang Muslim mula sa lahi ng mga Maranaw na iibig at mapapangasawa sina Amirah (Alice), Diane (Andrea) at Farrah (Bianca).
Kaya nagkaroon na ng look-test ang buong cast, nauna sina Dennis at Bianca, ganoon din ang mga mahuhusay na artista, sina Cherie Gil as Zaina at si Al Tantay as Hasheeb, na gaganap na mga magulang ni Ishmael. Nag-look-test na rin sina Shayne Saba at Abdul Raman, sa kanilang unang teleserye pagkatapos ng StarStruck 7.
Kasama pa rin sa cast sina Kevin Santos, Maricar de Mesa, Bernard Palanca, Juan Rodrigo at Irma Adlawan.
Paano kaya mapapanatili na payapa ni Ishmael ang kanyang buhay-may-asawa, dulot ng pagkakaiba ng lahi, kultura at tradisyon ng bawat isa? At ano ang kaya niyang isakripisyo upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya?
Sa ngayon, kasunod ng look-test ang paghahanda nila ng lock-in taping na tiyak na uubos ng maraming araw dahil bago pa lamang silang magsisimula ng produksiyon.
-NORA V. CALDERON