Patuloy na iginiit ng aktor na si Archie Alemania na kahit kailan ay hindi raw siya nangmanyak kahit kanino.
Nahagip kasi sa latest episode ng vlog ni showbiz insider Ogie Diaz noong Linggo, Agosto 23, ang tungkol sa naging imahe ni Archie sa publiko dahil sa pagkakaroon nito ng maraming asawa at mga karakter na ginagampanan niya sa “Bubble Gang” na isang manyak.
Idagdag pa ang kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code na isinampa ng Kapuso singer-actress na si Rita Daniela laban kay Archie.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong humarap si Archie sa isang panayam matapos ang naturang kontrobersiya.
Bagama’t flattering daw para sa kaniya ang reaksiyon ng tao sa mga karakter na ginagampanan niya—na nangangahulugang epektibo siyang aktor—sinabi ni Arhie na hindi raw siya ang mga ito.
“Hindi po ako ‘yon. Trabaho lang po ‘yon,” anang aktor.
Kasunod nito, diretsahan na siyang tinanong ni Ogie kung kaya raw ba talaga niyang gawin ang ginawa nito kay Rita.
“Hindi ko kayang gawin ‘yon,” sagot ni Archie. “Sa tinatagal-tagal ko sa showbiz, sa dinami-dami ng chicks ko, sa dinami-dami ng babae ko, never po akong nangmanyak.
“Kailangan mutual consent ‘yan, e, para may mangyari sa inyo. Pero never kong ginawa kahit kanino ‘yon, kahit no’ng nambababae ako,” dugtong pa niya.
Sumumpa pa si Archie na kahit mamatay pa raw ang buo niyang pamilya, hindi raw siya kailanman nanghipo nang walang pahintulot.
Ito ay kahit hinatulan na siyang guilty noong Oktubre 2025 sa kasong isinampa ni Rita laban sa kaniya.
Maki-Balita: Rita Daniela, sinampahan ng kasong ‘acts of lasciviousness’ si Archie Alemania