Matagumpay na naibalik ang naputol na kaliwang kamay ng isang pulis na tinaga ng lalaking nag-amok sa Camarines Sur noong Sabado, Agosto 22.
Ayon sa mga ulat, agad na dinala sa Bicol Medical Center ang biktima kung saan nagawa pang maisalba ng mga doktor ang naputol na kamay ng pulis at matagumpay na naibalik ito.
Kasalukuyan na siyang nagpapagaling sa naturang ospital at patuloy na inoobserbahan.
Matatandaang rumesponde ang biktima sa Barangay Calalahan, San Jose noong Sabado matapos silang makatanggap ng report hinggil sa lalaking nag-aamok umano dala ang isang bolo.
Pagdating sa lugar, sinubukan pang pakalmahin ng biktima ang suspek subalit bigla na lang umano siyang inatake ng lalaki kung saan siya natumba at pinagtataga.
KAUGNAY NA BALITA: Pulis, naputulan ng kamay sa pag-awat sa lalaking nag-amok gamit ang bolo!
Kaagad naman siyang nirespondehan ng kasamahan niyang mga pulis at binaril sa hita ang suspek upang matigil ang pag-atake.
Samantala, kinilala naman ng Philippine National Police (PNP) ang naging sakripisyo ng naturang pulis at tiniyak na magpapaabot sila ng kaukulang tulong.
“I commend PSSg Noli M. Miraña for his courage and professionalism, and his fellow officers for immediately coming to his aid. Despite the danger they faced, they remained focused on protecting lives and bringing the situation under control,” ani PNP Chief Jose Melencio Nartatez sa kaniyang pahayag noong Linggo, Agosto 23.
KAUGNAY NA BALITA: PNP, kinilala mapayapang interbensyon sa insidenteng pag-aamok sa Camarines Sur