Naputulan ng kaliwang kamay ang isang police staff sergeant matapos siyang pagtatagain ng lalaking armado ng bolo sa Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur, noong tanghali ng Sabado Agosto 22, 2026.
Kinilala ang nasugatang pulis na si Police Staff Sergeant Noli Miraña, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos ang insidente.
Batay sa ulat ng pulisya, rumesponde si Miraña sa isang reklamo hinggil sa isang lalaki na umano’y nagwawala at may dalang bolo.
Sinubukan umano ni Miraña na kausapin at pakalmahin ang lalaki upang maiwasang lumala ang sitwasyon.
Gayunman, bigla umanong naging marahas ang lalaki at inatake ang pulis.
Natumba muna si Miraña bago siya muling tinaga ng suspek gamit ang bolo na tumama sa kaniyang kaliwang kamay at naging sanhi ng pagkakaputol nito.
Agad namang nakialam ang iba pang mga pulis na rumesponde sa lugar at binaril ang suspek sa hita upang mapatigil ang pag-atake.
Kapwa isinugod sa ospital si Miraña at ang suspek para sa kaukulang atensiyong medikal. Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip ang suspek.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente, kabilang ang mga pangyayari bago ang pag-atake.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang impormasyon kung haharap sa kaukulang kaso ang suspek at kung may isinampa na ring reklamo ang biktima.