Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang may apat na milyong paslit laban sa tigdas at polio hanggang sa susunod na buwan.
Kinumpirma ni Dr. Wilda Silva, ang National Immunization Program Manager ng DOH, handa na sila sa pagsasagawa ng pagbabakuna sa milyong-milyong mga bata para mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng sakit sa susunod na taon.
“Ang ating plano para ma-prevent kailangang magsagawa tayo ng tinatawag na supplemental immunization activity,” aniya, sa isang panayam sa Teleradyo.
Isasagawa ang pagbabakuna mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25, sa
lahat ng batang edad limang taon pababa.
“Hindi na tayo magte-take ng risk, nabakunahan ka ba o hindi, hindi sigurado si nanay. Hindi po masama na maulit dahil po ang karagdagang dose na ito ay karagdagang proteksiyon,” paglilinaw pa ni Sevilla.
Sa loob ng nasabing mga araw, dapat aniyang bukas ang mga health center sa buong Pilipinas mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon para magbakuna ng mga bata.
Maglalagay din ang DOH ng mobile clinic sa mga temporary sites na malapit sa komunidad kung masyadong malayo ang mga health center.
Noong nakaraang taon ay nagsagawa ang DOH ng outbreak response immunization dahil sa dami ng kaso ng tigdas at muling pagkaroon ng mga kaso ng polio sa bansa.
Dahil sa mabilis na pagtugon ng DOH, bahagyang nakontrol ang pagkalat ng naturang mga sakit ngayong taon.
Gayunman, dahil sa COVID-19 pandemic muling naantala ang mga pagbabakuna kaya’t dumarami ulit ang mga batang hindi nababakunahan na maaari umanong magdulot ng outbreak ng mga sakit sa susunod na taon, kaya’t nagpasya silang magsagawa muli ng pagbabakuna.
-Mary Ann Santiago