Pinaalalahanan ng isang senador ang Department of Education (DepEd) na hindi dapat tambakan ng trabaho ang mga pampublikong guro sa pagpapatupad ng distance learning upang hindi ma-stress at ma-burnout ang mga ito.

Ikinatwiran ni Senator Win Gatchalian, ang kalidad ng pagtuturo sa mahigit 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay nakasalalay sa mga government teacher.

Binanggit ng senador, ang pangangalaga sa kapakanan ng mga guro ay isang pagkilala sa sakripisyo nila upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya.

Ang workload aniya ng mga ito ay isa sa mga isyung tinalakay sa isang pandinig sa Senado ukol sa pagbubukas ng klase. Ayon kay Philippine Elementary School Principals Association (PESPA) president Dr. Ferdinand Millan, dapat maghinay-hinay ang DepEd sa pagbibigay ng iba pang gawain o aktibidad sa mga guro upang hindi sila mapagod.

Brass plate sa monumento ng mga guerilla sa Muntinlupa, ninakaw at ibinenta sa junk shop!

Sa naturang pandinig, nadiskubre ng senador na ang mga guro at punong-guro ay nagsasagawa ng “multi-tasking” bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes, ika-5 ng Oktubre. Maliban kasi sa paghahanda ng mga learning materials, tulad ng self-learning modules, kailangan ding makibahagi ng mga guro at punong-guro sa mga webinar at mga courses sa iba’t ibang pamamaraan ng pagututuro.

-Leonel Abasola