Inaresto ng pulisya ang isang German diplomat at 33 iba pa dahil sa paglabag sa health protocols nang maaktuhang nag-iinuman sa isang bar sa Makati City, nitong Biyernes ng gabi.

Nang salakayin ng mga tauhan ng Makati City Police ang Kartel Rooftop bar sa 5921 Algier St., Bgy. Poblacion, nakipagtalo pa umano sa mga pulis ang diplomat na si George Maue, dahil mayroon umano itong diplomatic immunity.

Gayunman, sinabihan ito ng raiding team na hindi sila exempted sa ibibigay na violators citation tickets.

Dinala ng pulisya ang nasabing diplomat sa Makati Central Police Station, kasama ang 33 iba pa kung saan sila binigyan ng ticket.

Internasyonal

Pope Leo XIV, may Instagram na: 'Peace be with you all!'

Bukod kay Maue, kabilang din sa inaresto ang mga kasamahan nitong Aleman na sina Melchert Christian, 38, at Speer Robert, 32; Christoph Weber at Ryounseok Oh, 37, Yongrack Choi, 39, at Donghyun Kim, pawang Koreano; at Chanhsavan Lexus Keoninh, 28, American tourist, dahil sa hindi pagsusuot ng face mask at hindi ipinairal ang social distancing na may katumbas na multang tig-P1,000.

Sinabihan din ang mga ito na dapat silang magbayad ng kanilang multang tig-P1,000 dahil sa paglabag sa City Ordinance No.2020-076 (Extended Curfew Hour) at Social Distancing in relation to General Community Quarantine (GCQ).

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng anti-criminality operation ang grupo ni Makati City Police Substation 6 head Capt. Judge Rowe Donato sa nasabing bar na ikinaaresto ng mga ito.

Depensa naman ng pulisya, umaksyon lamang sila sa natanggap na impormasyon mula sa Mayor’s Office kaugnay ng namataang nag-iinuman sa nasabing establisimyento.

-JEL SANTOS at BELLA GAMOTEA