Hindi pa rin maaaring makapag-operate ang mga casino sa Pasay City habang nasa ilalim ng General Community Quarantine ang lungsod.
Ito ang paglilinaw ni Pasay City Information Office chief, Eduardo Burgos, Jr. na nagsabing wala pang kautusan si Mayor Emi Calixto-Rubiano para sa balik-operasyon ng mga casino.
Inilabas ng lokal na pamahalaang lungsod ang reaksyon kasunod nang napaulat na bumalik na sa operasyon ang ilan sa mga ito, kabilang na ang Resorts World Manila (RWM).
Paliwanag ni Burgos, hindi pa pinapayagan ng lokal na pamahalaan na mag-operate ang anumang casino bunsod na rin ng panganib ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Gayunman, inatasan na aniya ng alkalde ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) upang alamin kung talagang nag-operate ang mga ito.
Bukod sa isasagawang pag-iikot ng BPLO sa mga casino, aalamin din ng Pasay government sa PAGCOR kung pinayagan na ang mga ito na magbukas kahit nasa GCQ pa ang Metro Manila.
-Bella Gamotea