KAPAG pinapili ako kung anong lugar sa Metro Manila ang may mga halal na opisyal na may pinakamaraming proyektong nagawa para sa nasasakupan, naturalmente ang pipiliin ko nang buong yabang at may halong pagmamalaki, ay ang siyudad na may 30 taon na ring kinatitirahan ng aking buong pamilya – ang Quezon City!

Bakit kamo? Sa kabila kasi na ito ang pinakamalawak, na umaabot sa 166.2 kilometer square --pinakamalaki sa lahat ng siyudad sa buong Metro Manila – napanatili ang serbisyo para sa kaayusan, kalinisan, kalusugan sa karamihan ng mga barangay, bago pa man at makatapos ang nakaraang eleksyon.

Kung maglilibot sa mga pangunahing lugar at uusisain nang masinsin ang mga iskinita, kalsada at maging ang mga highway sa buong siyudad, kapansin-pasin na karamihan sa mga ito ay mga bagong semento at aspaltado.

Kung may lubak at maliliit man na mga sira kang mapansin sa unang araw na pagdaan mo sa mga lugar, siguradong sa susunod na pagyapak dito ay naayos na agad ito. Palakpakan naman dyan!

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Pero teka muna, “time first” – sigaw ni Dong, isang medyo may edad ng tricycle driver na kagrupo ng mga kakuwentuhan ko sa may Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City nito lamang nakaraang gabi.

Anito na medyo nanlilisik pa ang mata: “Nakakaganda sa lugar ang proyekto, pero kailangan bang pati ang maayos at wala namang sirang kalsada ay kailangan na bakbakin, sirain para lang gawin at magmukhang bago?”

Dagdag pa nito: “Sayang ang pera ng gobyerno sa mga ganitong proyekto na maaari pang magamit sa ibang pangangailangan ng ating mga kababayan na medyo naghihirap sa buhay na katulad ko.”

“Honga, bakit nga ba?” halos magkakasabay na pag-ayon ng iba pa naming kahuntahan.

Biglang pumasok sa aking isipan, ang mga binabakbak at sinisementong kalsada sa loob ng mga malalaking subdivision sa Novaliches, gaya ng sa magkakarugtong na Kingspoint, Goodwill at California hanggang sa dulo nito sa may Gen Luis Highway.

Bilib na bilid ako sa pagpapagandang ginagawa sa lugar – binakbak, tumaas ng mga anim na pulgada sa dating level nito, medyo may katagalan pero yung mga natatapos ay talaga namang magandang tingnan. Kaya nga kahit nagka-trapik-trapik sa loob ng subdivision habang ginagawa ang mga kalsada, medyo ‘di ko naramdamang umangal.

Pero bigla kong naisip, may katuwiran itong si Dong sa kanyang sinabi na agad namang sinang-ayunan ng mga kasamahan niya ring tricycle driver na labas-masok sa mga naturang subdivision.

Ang totoo kasi, sila ang numero unong apektado ng proyekto. Maganda ito para sa kanilang pagbiyahe kapag natapos na, pero medyo impiyerno ngayon habang ginagawa pa dahil sa trapik at alikabok na kanilang sinusuong araw-araw

Ang sabay-sabay halos na sabi nila: “Siguro ang dami pera ng Quezon City kaya panay ang pagpapaganda ng mga kalsada ang ginagawa nila. Hukay rito, semento duon at iba pang pagkakagastusan!”

Papalayo na ako sa umpukan namin nang marinig ko na may sumingaw nito mula sa grupo: “Siguradong may kumita na naman sa City Hall,” kasunod nito ang malutong nilang tawanan.

Sa loob-loob ko, malaki ang tama ng mga nakahuntahan ko.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.