PALASAK nang maituturing ang kasabihang “bridging people,” isang bagay na muling nabuhay kasunod ng planong pagtatayo ng konkretong tulay na magkokonekta sa Caticlan, patungong Boracay, na ibinoto kamakailan sa survey ng Conde Nast Traveler para sa Readers’ Choice Award bilang pinakamagandang isla sa Asya.

Kung ang pagkilalang ito at ang iba pang parangal na natanggap ng Boracay kamakailan ay hindi pa maituturing na indikasyon ng kagandahan at pagtatanyag na nakaakit sa mga turista, ang pagpreserba sa natural na kagandahan ng isla ay higit na mainam na dahilan kumpara sa kuwestiyunableng pagmamadali sa pagtatayo ng proyektong tulay.

Ang pagkokonekta ng dalawang isla ay maaaring lumikha ng komplikasyon at tiyak na mag-dudulot ng pagkasira sa natural na kagandahang naging pagkakakilanlan ng Boracay. Para man ito sa politikal na hangarin at walang katiyakang benepisyo na kaugnay ng plano, ang proyektong tulay ay tiyak na pagpapababa at kalaunan ay lulusaw sa halaga ng isla.

Anim na buwan matapos ipatupad ng pamahalaan ang pagsasara ng isla, nagbalik na ang kaayusan sa Boracay. Ngunit ilang may kakaibang pag-iisip, para sa kawalan ng pagkilala sa tama at mali, ang nagnanais na mapakinabangan ang naibalik na imahe ng isla.

Tiyak na lilikha ng tambak na oposisyon ang mungkahing tulay na magkokonekta sa Caticlan patungong Boracay. Una, magbubukas ang plano para sa malayang pagpasok ng trapiko sa isla mula Caticlan at magbibigay ng oportunidad sa mga informal settlers na makalipat doon.

Bagamat nasa kamay ng mga awtoridad sa Boracay ang karapatan sa pagkontrol sa pagpasok ng mga tao sa isla at mga sasakyan, ang labis na pagdagsa ng mga bisita sa isla ay magdudulot lamang ng pag-abuso sa natatanging dalampasigan nito, pagkawala ng mga lupang inilaan para sa paggamit sa hinaharap, pagdami ng mga gusali na sisira sa landscape, pagkaubos ng malinis na maiinom, pagpasok ng mga ilegal at immoral na trabaho, kawalan ng matatag na kaayusan at kapayapaan, at pagkasira ng ecosystem nito.

Hindi lamang ito. Malalantad ang Boracay sa labis na pagpapaunlad na panghabambuhay na sisira sa natatanging ganda at katangian ng isla na naging dahilan upang maging natatangi ito, nakasasabik at kahanga-hanga.

Maging sa ilalim ng regulasyon ng lokal na pamahalaan, ang socio-economic relevance ng isla ay naglulok sa Boracay bilang isa sa pinakamahal na lugar para bisitahin sa buong bansa, isang ‘di kaaya-ayang pagkilala na siguradong makaaapekto sa isla sa panahong darating. Ang pagbubukas ng isang tulay na magbubura sa kagandahan ng Boracay ay maaaring humantong sa pagkawala ng limitado nitong yaman.

Ang isyung ito ang naging dahilan, kung bakit sa ginanap kamakailan na ika-24 asembleya ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), ipinasa ang isang resolusyon na kolektibong sumusuporta sa panawagan ng mga residente ng Caticlan at Boracay na kontra para sa pagtatayo ng tulay.

Ibasura ang proyektong tulay, ipreserba ang Boracay at Caticlan!

-Johnny Dayang