Umabot sa 10,197 ang mga indibidwal na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Miyerkules, Agosto 19 sa mga naapektuhang residential communities sa Luzon at Mindanao kasunod ng pananalasa ng southwest monsoon o Habagat.
Ayon pa sa update ng PCG noong Huwebes, Agosto 20, mula sa kabuoang bilang na ito, 9,564 indibidwal ang nailikas sa iba’t ibang parte ng Pampanga.
Sa Batangas, 411 indibidwal ang naitalang nailikas habang 222 namang indibidwal sa Zamboanga del Sur.
Sa buong bansa naman ay nakapagpadala ang PCG ng 829 Deployable Response Group (DRG) teams na binubuo ng 5,604 responders bilang suporta sa rescue operations sa iba’t ibang parte ng bansa.
Samantala inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Agosto 20, na magkakaroon ng maikling “monsoon break” ang bansa dahil sa inaasahang panibagong bugso ng Habagat sa susunod na linggo.
Ang “monsoon break” na ito ay magdudulot ng maaliwas na panahon sa Metro Manila at mga karatig-probinsya nito hanggang sa Sabado, Agosto 22.
MAKI-BALITA: Panibagong bugso ng habagat, asahan sa susunod na linggo