Hindi kakalimutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangakong doblehin ang suweldo ng mga guro sa mga pampublikong paaralan, kahit hindi niya ito binanggit sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.
Sa kanyang 94 minutong SONA, hinikayat nito ang mga mambabatas na aprubahan na ang pagtaas ng sahod ng mga government worker, kabilang na ang mga guro at nurse.
"I believe that it is now time for Congress to approve a new version of the Salary Standardization Law. Ngayon na. To the teachers, who toil and work tirelessly to educate our young, kasali na po dito iyong hinihingi niyo. Hindi naman masyadong malaki pero it will tide you over during this hard time. This is intended to increase salaries of national government workers, including teachers and nurses," paglalahad ng Pangulo.
Sa isa namang pulong balitaan, kahapon, ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nakalimutan ni Duterte ang pangako nito at sinabing ang pagpasa sa bagong salary standardization law ay pansamantalang solusyon lamang.
"Ibig sabihin ni Presidente, habang wala pa ‘yung budget 'yan muna. Pupunta tayo doon. Hindi ba, ilang beses niya na ring sinabi ‘yun, eh. Hinahanapan nga ng source. Pati nga DBM (Department of Budget and Management) naghahanap din, eh,” sabi ni Panelo.
"Definitely [he's not dropping his promise]. Love niya mga teachers, eh," paglilinaw ni Panelo.
Binanggit nito ang naging pahayag ni Budget Secretary Janet Abuel na mahihirapan ang gobyerno na kaagad na gawing doble ang suweldo ng mga guro.
“Sinasabi kasi ni Secretary Abuel noon kung idodoble mo kaagad, mahihirapan tayo. Kaya kailangan parang staggered,” ayon pa sa tagapagsalita ng Pangulo.
Matatandaang matagal nang umaapela ang mga pampublikong guro sa pamahalaan na itaas ang kanilang suweldo kasunod na rin ng salary increase sa mga pulis, sundalo at iba pang uniformed personnel.
Sa pahayag ni Duterte nitong Hunyo, kaya tinaasan ang suweldo ng uniformed personnel dahil maliit lamang ang bilang ng mg aito kumpara sa milyun-milyong guro sa buong bansa.
-Argyll Cyrus B. Geducos