ILANG araw nang usap-usapan na iiwanan na ni phenomenal star Maine Mendoza ang longest-running noontime show na Eat Bulaga, kung saan siya unang napanood at nakilala hanggang sa mataguriang “Phenomenal Star” kasama na ang pagkakilala sa kanila as a “Phenomenal Love Team” ni Alden Richards, ang AlDub.
Naiintriga nga si Maine, lalo na ng kanyang bashers sa paglabas ng picture nila ng beteranong host ng ABS-CBN, si Boy Abunda. Kasama pa sa intriga si Alden, dahil naunahan pa raw ma-interview ng talk show host si Maine kaysa kay Pambansang Bae samantalang may ipalalabas itong movie kasama si Kathryn Bernardo sa Star Cinema, ang Hello, Love, Goodbye na idinirek ni Cathy Garcia-Molina at magso-showing na worldwide simula sa July 31.
Anyways, ang sinasabing interview ni Boy kay Maine ay balitang para sa isang endorsement na ginawa nila na mari-reveal na sa Friday, July 12, kaya abangan daw kung ano ang endorsement na pinagsamahan nina Maine at Boy. Hindi umano iyon interview para sa talk show ni Boy sa ABS-CBN.
Siguro, mapapanood si Maine sa show ni Boy, kapag pumasok ang ads ng nasabing endorsement.
Meanwhile, si Maine ang nagho-host, kasama si Jose Manalo at Rizza Mae Dizon sa nagbabalik at minahal na segment ng Eat Bulaga, ang Little Miss Philippines.
-NORA V. CALDERON