Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “PR stunt” lang umano ang laban kontra korupsiyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa isang panayam mula sa OVP Media na kuha sa The Hague, Netherlands at may petsang Hulyo 27, sinabi ng Bise Presidente na wala naman daw naipakulong ang Pangulo sa mga indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control project.
“Wala naman siyang napakulong sa flood control scandal, e. Saka 'yong sinabi niyang 'Mahiya naman kayo,' it was a PR stunt na isinalin n'ya 'yong linya na 'yon sa speech niya, na nag-backfire,” saad ni VP Sara.
Dagdag pa niya, “Ang katotohanan naman kasi talaga, ghost projects 'yong flood control. Kung hindi man, unfinished o substandard projects.”
Ayon sa Bise Presidente, sinabi na lang umano ni Marcos, Jr. ang linyang "Mahiya naman kayo" para mailayo nito ang sarili sa anomalya sa likod ng flood control projects.
"Unfortunately, hindi niya pwedeng gawin na ilaya 'yong sarili niya do'n sa korupsiyon sa flood control scandal kasi siya 'yong pumirma ng budget," dugtong pa ni VP Sara.
Matatandaang tumatak noong nakaraang SONA ng Pangulo ang katagang “mahiya naman kayo” bilang pagtuligsa sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, sa ikalima niyang SONA, tinumbok niya agad ang kontrobersiyal na isyung ito ng korupsiyon. Binanggit niya ang mga opisyal at politikong naipakulong dahil sa pagsasangkot dito, kabilang na rin ang tungkol sa pinsan niyang si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez na nalalapit na umanong hainan ng patong-patong na kaso.
Maki-Balita: Matutupad o maliligwak? Buod ng ikalimang SONA ni PBBM